Marahil malayo pa nga ang susunod na eleksyon. Wala pang mukha ang mga kalat sa kalsada, a.k.a. mga tarpolin, flyers, stickers sa poste, at iba pang pakulong publicity material, ngunit hindi nangangahulugang hindi pa kumukulo ang pangarap ng ilan na maupo sa posisyon. Ang iba, posibleng may investment plan na.
Sa Kamara, umabot sa P58 bilyon ang Local Government Support Fund sa proposed buget para sa taong 2027, na dati’y hindi tataas ng P20 bilyon.
Sawa na daw kasi ang masa sa mga flood-control projects kava't sa mga mas magagaang proyekto na lang ibinaling ang pondo.
Sa mas madaling salita, mataas ang pondo ng ayuda programs para sa lokal na pamahalaan. Mas malaki na ang alas nila Honorable Mayor at ang team para magpapogi sa taumbayan.
Utang na loob— bentang-benta sa masa, subok ng maraming politiko.
Konting ayuda, konting cash assistant, pa-scholarship program, at iba pang financial aid, mula kay Kagawad, Mayor, o Congressman.
"Mayor Juan dela Cruz medical cash aid." O yung iba naman, minimalist, simpleng letter "Y" lang sa lahat ng projects, aba! alam na.
Eksenang parang sa sariling bulsa galing ang pondo, kung maka-brand, wagas.
Kasabay rin ng mga ganitong programa ay ang palakasan system para sa mga kawani ng barangay o munisipyo. Kung may kakilala sa loob, mas una sa balita. Una sa listahan. Una sa pila. O yung iba pa nga, kahit late sa pilahan, diretso pay-out na.
Super concern kasi talaga ng mga Pinoy sa kapwa, may favoritism nga lang. Mga tipong bahala nang maging unfair, basta hindi masira ang friendship, kaya si mare, sa ayuda'y laging hagip!
llang kembot na lang, 2027 na. Pagkatapos ng magarbong selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon, inaasahang sasabak ang Pinas sa isang malaking sirkus.
Kaliwa't-kanan ang bentahan ng pangalan. Ungkatan ng mga naitulong sa publiko. At maging ungkatan ng mga baho.
Pero aminin natin - sa ilang henerasyon ng mga political dynasty, mabisa ang plataporma ng kawang-gawa, dahil ang mga Pinoy ay marunong tumanaw ng utang na loob.
Masarap naman talagang maging Pinoy—maalalahanin, masunurin.
Wala naman sanan'g masama sa kagustuhan ng taumbayan na masuklian ang kabutihang natanggap nila, ngunit iba ang usapin ng eleksyon.
Hindi ito ang oras ng pagtanaw ng utang na loob o pagiging sunod-sunuran.
Hindi utang ng taumbayan ang ayuda, lalo't sa gitna ng sakuna. Ito'y karapatan. Hindi ikinabababa ng dignidad ng mga Pilipino ang paghingi ng tulong sa pamahalaang sumasakop sa kanila.
Sapat na ang taos-pusong "salamat." Sa eleksyon, ang mamamayan ang kapangyarihan. Ang boses. Ang sandata.