

Sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla noong Huwebes na nananatiling bigo ang paghahanap kay puganteng gambling lord Atong Ang, sa kabila ng operasyon sa 18 lugar sa buong bansa, dahil umano sa malalim nitong koneksyon sa loob ng gobyerno.
Ayon kay Remulla, ang malawak na impluwensya at malaking pondo ni Ang ang nagiging pangunahing hadlang sa mga awtoridad sa pagkuha ng matibay na impormasyon tungkol sa kinaroroonan nito.
“Yung penetration niya sa lahat ng hanay ng gobyerno. Sa dami ng pera niya, ang hirap maghanap ngayon ng katiwala na puwedeng utusan o pagkatiwalaan para mahanap siya,” ani Remulla. “Alam namin na ganun kalalim ‘yun. P1 billion a day for five years ang kinikita niya.”
Sinabi ng kalihim na sa nakalipas na 20 araw ay nagsagawa ang pulisya ng mga operasyon sa 18 lugar, ngunit wala pa ring nakukumpirmang lokasyon ni Ang. Batay umano sa pahayag ng whistleblower na si Julie Patidongan, posible umanong nasa Cambodia o Thailand si Ang, ngunit wala pang pisikal na sighting na napapatunayan ng mga awtoridad.
Ipinaliwanag ni Remulla na may umiiral na extradition treaty ang Pilipinas at Cambodia, na maaaring magamit sakaling matagpuan doon si Ang. Aniya, maaari ring mas mapabilis ang koordinasyon ngayong taon dahil ang Pilipinas ang kasalukuyang chair ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Hindi rin isinasantabi ng kalihim ang posibilidad na nasa loob pa rin ng bansa si Ang, dahil ayon sa Bureau of Immigration, wala itong rekord ng kamakailang pagbiyahe palabas ng Pilipinas.
“Pero paliit na nang paliit ang mundo niya,” ani Remulla. “Kung nasa Cambodia siya, may extradition tayo, makukuha natin siya. Ang problema, napakaraming salapi niyan.”
Ikinumpara rin ni Remulla ang kaso kay dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr., na nahuli sa kabila ng malaking pondo nito. “Si Teves, maraming salapi, pero nakuha pa rin natin sa Timor Leste,” aniya.
Si Ang ay may mga warrant of arrest mula sa dalawang korte kaugnay ng umano’y pagkakasangkot niya sa pagkawala ng mga sabungero na may kaugnayan sa kanyang mga operasyon sa sabong.
Itinuturing din siya ng Department of the Interior and Local Government bilang most wanted person kaugnay ng pagkawala ng mahigit 30 sabungero, na may P10 million pabuya para sa impormasyong magtuturo sa kanyang pagkakaaresto.