5,700 litro ng paihi sa GenSan, tiklo sa kapulisan

Nasabat ng pulisya ang humigit-kumulang 5,700 litro ng diesel na hinihinalang mula sa ilegal na aktibidad ng “paihi” sa isang lote sa Purok Saydala, Barangay Tambler, General Santos City noong ika-29 Oktubre.
Pinangunahan ng Regional Intelligence Division 12, City Intelligence Unit, at Police Station 5 ng General Santos City Police Office ang operasyon.
Gayunman, walang naarestong suspek dahil wala umanong tao sa lugar nang isagawa ang operasyon.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga nasamsam na diesel at kagamitan.
Kinilala naman ang may-ari ng lote bilang alias “Glad,” at patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibleng pagkakasangkot nito sa ilegal na aktibidad.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano'y ilegal na aktibidad sa lugar.
Binigyang-diin ni Nartatez ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng publiko sa mga awtoridad upang mapigilan ang mga ilegal na gawain.




