
Isang 17-anyos na motorcycle rider ang nasawi matapos nitong sumalpok sa isang SUV sa General Santos City at ayon sa mga otoridad, inaalam pa kung kasali ang binatilyo sa umano’y isinasagawang drag race sa lugar.
Sa kuha ng CCTV, makikitang normal pa ang daloy ng trapiko sa Fil-Am Road, Barangay Fatima madaling araw ng Biyernes pero ilang saglit lang, isang motorsiklo mula sa kabilang lane ang bumangga sa harapan ng SUV, at tumilapon ang rider.
Tinangka ng bystanders na i-revive ang motor rider, na dead on the spot, ayon sa Traffic Enforcement Unit habang wasak naman ang harapan ng SUV sa lakas ng impact.
Sinugod at sinuntok ng ama ng nasawing binatilyo ang driver ng SUV, habang agad namang isinara ng driver ng SUV ang pinto ng sasakyan.
Lumabas sa imbestigasyon ng TEU ng lungsod na may nagtimbre sa kanila na may nagsasagawa ng drag race umano roon pero nang magsagawa sila ng operasyon sa lugar ay wala silang naabutan.
Patuloy na inaalam ng pulisya kung kasama ang binatilyo sa pagda-drag race.
Sinabi ng TEU na nagkasundo ang driver ng SUV at kaanak ng binatilyo na magbibigay ang driver ng pinansiyal na tulong sa pamilya ng nasawi.