'Biyahe ng Nangungulila'

Jerry Kavan on Unsplash
Sumakay ako ng bus patungong Maynila.
Sabi nila, roon, mahahanap ang sigla.
'Di gumana, kaya iniwan ko rin sila.
Umuwing masama ang loob, kagat ang dila.
Tumigil ako sa harap ng isang eskwela,
Nakita ang mga pangarap na kumikinang pa.
Bumalik ako sa Cavite—at nakita sa daanan,
Mga batang umiiyak sa gutom, hindi na mapa-tahan,
Mga inang handang ihain ang kanilang kalamnan.
Tuloy lang sa paglakad, pabigat ng pabigat ang katawan.
Noon, siguro, ipipikit ang mga mata, tatakpan ang mga tainga,
Pero nang ako'y madapa, sila rin ang tumulong at kumalinga.
Hinahanap ko pa rin ang aking bayan
Kung saan ang gutom ay para sa kaunlaran,
Kung saan ang byahe ay may patutunguhan,
At bawat mata'y may kislap pa ng kasiyahan.
Ngunit pangrap na ito'y parang kantang malabo,
Himig na malinaw ngunit salita'y naglalaho.
Hinahanap ko pa rin ang isang tahanan
Kung saan kaya kitang mahalin ng lantaran.
Kung saan ating bandila'y taas lipad sa amihan,
Kung saan magka-akbay ang yakap at kamayan,
Para sa kinabukasang hindi kailangang alalahanin
Dahil siguradong lahat ay mabubuhay at magigising.
