
Australian Deputy Prime Minister and Defense Minister Richard Marles
Photo courtesy of DND
Dodoblehin ng Australia ang laki ng armada nito mula sa kasalukuyang 11 barkong pandigma sa loob ng sampung taon, ayon sa defense minister ng bansa.
Sa halagang $7 bilyong ay magpapagawa ang Australian navy ng 26 na barkong pandigma, kabilang ang anim na makabagong barko walang tripulante.
"Ito ang pinakamalaking armada na magkakaroon tayo mula noong katapusan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig," pahayag ni Defense Minister Richard Marles.
Kabilang sa mga idaragdag na barko ang anim na Hunter class frigates, 11 general-purpose frigates at tatlong air warfare destroyer sa hangaring makahabol sa mga pagpapalawak ng militar ng Tsina at Russia.
Nauna rito ay tatlong submarinong pandigma ang ipagagawa sa Estados Unidos.
Ang mga barko ay aarmahan ng Tomahawk missiles na may kakayahang umatake sa mga target na nasa loob ng teritoryo ng kaaway.
Upang mapondohan ang plano, itataas ng Australia ang budget sa depensa ng 2.4 porsyento ng gross domestic product. Mas higit ito sa dalawang porsyento na itinakdang budget ng mga kaalyadong miyembro ng North Atlantic Treaty Organization.
Ang ilan sa mga barko ay itatayo sa Adelaide, na lilikha ng higit sa 3,000 trabaho, ngunit ang iba ay kukunin mula sa mga disenyo ng Estados Unidos, Espanya, Alemanya, Timog Korea at Japan.