SUBSCRIBE NOW SUPPORT US

Hiwalayan

Hiwalayan
Published on

Sobra-sobra ang kawani ng gobyerno kaya may katwiran ang mga programang streamlining ng pamahalaan. Halata naman ito sa dami ng mga nagpapabanjing-banjing sa oras ng trabaho sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan. Kung hindi cellphone ay tsismis ang inaatupag ng mga kawani ng mga munisipyo imbes na agarang asikasuhin at serbisyuhan ang mga taumbayan.

Marahil ay marapat na gayahin ang pormula ng bilyonaryong Amerikanong negosyante na si Elon Musk, na siyang nagsasagawa ng pagpapaliit ng mga ahensyang pederal sa Estados Unidos.

Ang Department of Government Efficiency na pinamumunuan ni Musk at isang pang negosyanteng si Vivek Ramaswamy ay nag-alok ng separation pay sa mga empleyado ng pederal na gobyerno at libu-libo naman ang sumang-ayon at tinanggap ang alok.

Bagaman kontrobersyal ang kanyang pamamaraan ng pagkalos ng umaapaw sa manggagawang mga ahensya ng gobyerno upang mabawasan ang gastusin sa pagpapasweldo, suportado ito ni Pangulong Donald Trump, na siyang nagtalaga sa bilyonaryo upang pamunuan ang DOGE.

May mga pulitikong Democrat ang bumabatikos na laban kay Musk dahil sa sapilitan niyang pagpapaalis sa trabaho ng mga kawani ng gobyerno kapalit ang separation pay at banta sa mga hindi sumasang-ayon na sila’y maaaring matanggal sa serbisyon nang walang matatanggap na kompensasyon.

Nagsampa ng kaso ang mga tutol kay Musk at sa DOGE upang matigil ang kanilang ginagawa at korte na ang magpapasya kung sino ang mananaig sa isyung ito.

Maaaring mag-alsa ang mga manggagawa at militante kung gagayahin sa Pilipinas ang ginagawa ni Musk at ng DOGE. Kung papalag ang mga kawani ng gobyerno sa atin kahit pa sila’y bigyan ng separation pay, maaari sigurong magkaroon na lamang ng moratorium sa hiring ng bagong empleyado upang hindi madagdagan ang bilang ng mga kawani sa gobyerno at gastos sa pagpapasweldo.

Maaari ring gawin ang paglilipat ng sobrang kawani sa ibang ahensya na kulang sa trabahador.

Para naman sa mga nagtatapos sa kolehiyo na puntiryang magtrabaho sa pamahalaan, maaaring magkaroon ng quota sa hiring upang malimitahan ang pagpapasweldo.

Ang matitipid na pera na sana’y ibinayad sa trabahador na di naman kailangan o hindi masipag sa pagseserbisyo sa publiko ay mapapakinabangan sa mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, pagkain at tirahan.

logo
Daily Tribune
tribune.net.ph