Sagot naman ni Castro: "Three years?...Ibig sabihin, pagkapanalo pa lang niya bilang Bise Presidente, pinaplano na niya maging Presidente?"
Binigyang-diin din ni Castro ang mga umano'y pagkukulang ng Ikalawang Pangulo na maaaring maging malaking isyu sa kaniyang planong pagtakbo sa mas mataas na posisyon.
"Kung alam pala nila na tatlong taon na itong pinagpaplanuhan... Sana mas naging maingat ang Bise Presidente sa paggamit ng kaniyang confidential funds, at hindi rin naabuso ang mga pondo patungkol sa mga ghost vouchers at ghost food packs na nakita ng COA (Commission on Audit)," aniya.
"Hindi ba dapat naging mas masipag ang Bise Presidente at hindi puro pangingibang-bansa? Kasi definitely, maiisyu sa kaniya ito," dagdag pa niya.
Binalikan din ni Castro ang naging pahayag ng alkalde hinggil sa "Operation Romanov" noong Enero 2024 pa lamang, na nagsilbi umanong banta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ang pahayag na ito ay binitawan ilang buwan bago ang kontrobersyal na death threat video ng Bise Presidente noong Nobyembre 2024.
"Sa totoo lang, sinimulan ito ni dating Pangulong Duterte, sinundan ni Mayor Baste Duterte, at pumangatlo ang Bise Presidente. Lahat sila ay nagbanta sa buhay ni Pangulong Marcos Jr.," giit ni Castro.