SUBSCRIBE NOW SUPPORT US

Garantisado

Garantisado
Published on

Huli man at magaling ay naihahabol din.

Bagaman dalawang taon ang lumipas bago maipatupad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang soberenyang garantiya para sa pagpopondo ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino o 4PH na programa, napapanahon pa rin ito dahil sa dami ng mamamayang walang sariling bahay, sa milyong bahay na balak itayo kada taon at sa apat pang natitirang taon sa kanyang termino na tuparin ang kanyang pangako.

Inaasahan na mapapabilis ang pagpapatupad ng programang 4PH sa paggagarantiya ng gobyerno sa pautang na gagamitin sa pagtatayo ng mga pabahay dahil garantisadong mababayaran ang pautang ng mga bangko o nagpapautang at mga uutangin ng mga magtatayo ng mga bahay. Ibig sabihin nito ay kahit maantala o hindi makabayad ng amortisasyon ang mga maninirahan sa mga pabahay ay babayaran pa rin ng pamahalaan ang mga nagtayo nito.

May epekto rin ang garantiya na pababain ang interes sa mga pautang upang maengganyo ang mga mamumuhunan na lumahok sa 4PH o pagtatayo ng murang pabahay.

Bagaman hindi batid ng mga mamamayan ang pakinabang ng soberenyang garantiya sa 4PH, mararamdaman nila ito sa abot-kayang presyo ng mga pabahay na maiaalok sa kanila sa ilalim ng programa. Ngunit hindi lamang sana ang mga bibili ng murang pabahay ang makikinabang sa garantiya.

Marami rin ang kasalukuyang nagbabayad ng amortisasyon sa kanilang biniling bahay mula sa National Housing Authority at Pag-IBIG Fund. Sana rin ay mai-adjust ang kanilang mga interes sa utang at buwanang amortisasyon upang gumaan ang kanilang gastusin lalo na sa panahon ngayon na sobrang taas ng mga presyo ng mga bilihin, lalo na ng pagkain.

Sana ay maisaklaw sila sa 4PH dahil kung hindi nila mabayaran ang kani-kanilang amortisasyon at ma-foreclose ang kanilang bahay at lote, dadagdag sila sa bilang ng mga walang sariling bahay.

Wala pang patakaran ukol dito ngunit siguro naman ay batid ng mga ahensya ng pamahalaan na isa sa mga sanhi ng kakulangan sa pabahay ay mga hindi na makapagpatuloy magbayad ng amortisasyon dahil sa kakulanganan o kawalan ng pondo ng mga bumili ng bahay.

logo
Daily Tribune
tribune.net.ph