Babae nag-amok sa kalsada

Nakunan ng video ang pag-aamok ng isang babae sa Calasiao, Pangasinan kung saan isang rider ang nabiktima niya.
Kita sa mga kuha ng video na hinila ng babae ang damit ng isang lalaking nakasakay sa motorsiklo, dahilan para umalis sa motor ang lalaki. Maya-maya pa ay sinipa ng babae ang motor at nambato pa.
Ayon sa biktima na isang barangay official, bigla na lang siyang hinarang ng babae at umangkas sa kaniyang motor.
Kinuha pa raw nito at itinapon ang susi ng kaniyang motor.
Sinabi naman ng punong barangay ng Barangay Banaoang kung saan nangyari ang insidente, laging nanggugulo ang babae. Ilang beses na raw itong naimbitahan sa barangay hall pero hindi ito sumisipot.
Handa raw magsampa ng reklamo ang barangay officials laban sa babae.
