Bella Poarch, kasal na daw

Kumakalat ngayon sa social media ang isang balita na may kaugnayan sa sikat na Filipino-American TikTok star na si Bella Poarch dahil lumalabas sa balita na halos apat na taon na palang kasal ang kilalang social media media personality kay Tyler Poarch na halos wala talagang nakakaalam kahit ang kanyang mga loyal fans.
Nagpakasal umano ang dalawa noong January, 2019 at malamang isang secret marriage nga ang naganap dahil wala ngang masyadong nakakaalam ng tungkol dito.
Pero ang nakakalokang twist sa chikang ito, nag-file na raw ng divorce si Bella para tapusin na ang four-year marriage nila ni Tyler at ayon sa ulat ng entertainment website na TMZ, nagsampa na ng divorce sa Los Angeles County si Bella o Denarie Poarch sa tunay na buhay.
Base sa mga dokumentong nakuha ng TMZ, nagdesisyon na si Bella na wakasan na ang ugnayan nila ni Tyler dahi sa "irreconcilable differences" nilang mag-asawa.
In fairness, napakagaling magtago ng sikreto ng socmed personality dahil wala ngang nakaalam nito at never napag-usapan ng kanyang mga tagasuporta.
Wala naman kasing ipinost si Bella na photos o videos sa kanyang Instagram at TikTok accounts ng kahit anong may kaugnayan kay Tyler. Hindi rin siya nakitang nagsuot ng wedding ring sa kanyang mga ginagawang entries sa TikTok.
Ayon pa sa ulat, hindi nagkaroon ng anak sina Bella at Tyler. Wala rin daw planong alisin ng isa sa mga tinatawag na TikTok Queen ang apelyidong Poarch sa kanyang pangalan.
