Lyca Gairanod, certified NBSB

Inamin ng singer-actress na si Lyca Gairanod na certified "NBSB" o no boyfriend since birth siya at hindi pa siya nagkakaroon ng dyowa, pero hindi naman daw siya nagmamadaling magkaroon ng lovelife.
Ayon sa dalaga, sisiguruhin niyang kung magbo-boyfriend man siya ay hindi ito makaaapekto sa kanyang showbiz career pati na sa relasyon niya sa pamilya.
"Nasa tao naman po yun. Kung susuportahan ako ng magiging boyfriend ko sa lahat, hindi siya magiging dahilan para matigil ang mga ginagawa ko para sa pamilya," sabi ni Lyca.
Wala naman daw siyang natitipuhan ngayon sa mga kabataang male celebrities kaya tinuksu-tukso siya ng ilang members ng entertainment press kay Daniel Padilla dahil sa pag-amin niya noong bata pa siya na ang aktor ang "biggest crush" niya.
Samantala, masaya namang ibinalita ng singer at batang aktres na maayos na ang kundisyon ng kanyang tatay matapos ma-stroke noong April, 2022.
"Nakakausap na po namin siya nang maayos. Hindi po tulad noong una na hindi po siya masyadong nagsasalita, but now, alam na po namin kung gusto na niya kumain. Nasa bahay na po siya. Sabi po kasi ng doktor niya, mas magandang nasa bahay si Father para mas maging positive siya, masaya lang, at nakikita niya kami araw-araw," kuwento ni Lyca.
"Ganoon po talaga ang buhay, may magaan, may mabigat. Talagang hindi po natin maiiwasan but nakayanan naman po namin. Basta para kay Father, talagang kakayanin. Pero ito po talaga, mas mahirap sa amin dahil first time na nangyari sa buhay ko," dagdag niya.
