

Naghain si Senadora Loren Legarda ng Senate Bill No. 1860 upang i-repeal ang Presidential Decree No. 1726-A, isang kautusang ipinatupad noong Batas Militar para sa treasure hunting, at alisin ang probisyon hinggil sa treasure hunting permit na nakapaloob sa Republic Act No. 10066 o National Cultural Heritage Act of 2009.
“Ang ating pamana ay hindi kalakal na maaaring ipagbili o pagsamantalahan. Isa itong kolektibong pamana na naglalarawan kung sino tayo at nagbibigay ng kongkretong anyo sa mga karanasang historikal, kaisipan, at ugnayang humubog sa ating mga komunidad. Hinihingi nito ang sama-samang pagsisikap upang maprotektahan, mapangalagaan, at maipasa sa susunod na henerasyon,” ani Legarda.
Binigyang-diin niya na ang sistema ng treasure-hunting permit, na unang ipinakilala noong Batas Militar at pinanatili sa RA 10066, ay nagdulot ng pagkasira ng mga pook-arkeolohikal at nagbigay-daan sa komersyal na pagsasamantala ng pambansang pamana.
“Kapag ang mismong batas na dapat magprotekta sa ating pamana ay nagiging kasangkapan ng pagsasamantala, kinakailangan nating kumilos nang may tapang upang ito’y bawiin,” giit ni Legarda.
Ayon sa panukala, ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang bubuo ng komprehensibong mga patakaran at regulasyon upang pamahalaan ang lahat ng gawaing arkeolohikal sa bansa, sa lupa man o sa ilalim ng dagat.
Binigyang-diin din ni Legarda na ang sistema ay hindi tugma sa obligasyon ng Pilipinas sa ilalim ng 1972 UNESCO World Heritage Convention at 2003 UNESCO Convention for the Safeguarding of the Intangible Cultural Heritage. Sa pagbawi ng batas sa treasure hunting, magiging kaayon ang Pilipinas sa pandaigdigang pamantayan sa pangangalaga ng pamana.
Nakasaad din sa panukala na walang paghuhukay ang pahihintulutan nang walang superbisyon ng sertipikadong arkeologo, upang matiyak na ang lahat ng aktibidad ay maisasagawa nang maka-agham, maayos na madokumento, at para sa kapakinabangan ng publiko.
“Bawat artifact, bawat pook-historikal, bawat tuklas-arkeolohikal ay nagsasalaysay ng ating pagkakakilanlan bilang isang bayan. Kapag ito’y nasisira o nagiging pakinabang ng iilan, higit pa sa mga bagay ang nawawala—nawawala ang ating identidad, kasaysayan, at sama-samang pamana,” ani Legarda.
“Hindi mo maaaring ipagtanggol ang pamana gamit ang isang kamay at pumirma ng treasure hunting permit gamit ang kabila. Ang panukalang batas na ito ang magsasara sa kontradiksiyong iyon at magpapalakas ng batas para sa proteksyon, hindi para sa pansariling pakinabang,” dagdag niya.