

Ang chika at kaganapang ito ay patuloy na nililinang. Habang aming tinitipa ang pitak na ito, wala pang pinakabagong ulat kung may resulta na ang paghahanap sa mga anak ni Claudine Barretto dahil dumulog na siya sa NBI para matulungan at matukoy kung nasaan na nga ba ang mga ito, at kamusta ang kanilang mga kalagayan.
Sa mga Chika Diva mambabasa na hindi alam kung ano ang kaguluhang ito, nitong nakaraang Sabado, Enero 24, nagpakawala ng matinding akusasyon si Claudine at ipinahayag sa kanyang FB Live kung saan may akusasyon siya sa kanyang matagal nang personal na katiwala, sa umano'y ginawa nito sa kaniyang mga anak na sina Sabina, Santino, at Quia.
Ayon sa mga sinambulat ni Claudine, kasama raw ng kaniyang PA na si "Marisol" ang mga anak at nang mga sandaling isinasagawa niya ang live, hindi pa sila naibabalik sa bahay niya. Binigyan niya ng 15 minuto ang PA para ibalik ang mga anak sa kaniya, bago pa raw sila lusubin at hanapin ng mga awtoridad, para sa paratang na kidnapping.
May binabanggit din si Claudine na isang taong aniya'y nasa likod nito at umano'y nais siyang mamatay.
Pahayag ni Barretto sa FB Live: “This is not a joke! This is very serious. Marisol, ibalik mo ang mga anak ko dito, kanina ka pa dapat nasa Katipunan [Quezon City]. Inaantay ka na ng NBI dito."
At dahil nga si Claudine ay si Claudine, mas naging kumplikado ang mga pangyayari sa kanyang paglalahad dahil may ilang fans at supporters na umano'y nakipagkuntsabahan sa PA, at ilan din ang umano'y sumira sa kaniyang tiwala at privacy.
Ginagamit daw ng PA at grupong Team Baliwag, kung saan tila kasapi ang kanyang inakusahan, ang pangalan niya at mga anak niya para sa umano'y slandering at extortion ng pera sa iba pang fans.
At ang pinaka-golpe de gulat na sangkap sa kanyang panawagan ay ang isang hindi pinangalanang tao na kaniyang pinagbanataan, na sa kanyang pakiwari, ay nais siyang mamatay dahil ayaw niyang bumalik sa kaniya.
Sabi ni Barretto: “And you, you know who you are, hindi ka talaga titigil hangga't hindi mo ako mabaliw o mapatay. Nanay ako ng mga anak mo! If anything happens to me, especially sa fiesta ng GenSan, alam n'yo na po, dalawang tao lang ang gumagalaw.”
Patuloy pa ni Barretto: “And this person is in connivance with someone who wants me dead. Hindi ho ito biro.”
At ikaw," kanyang mariing sinambit na para sa tinutukoy na aniya'y nasa likod ng mga pangyayari, “Malalaki na ang mga anak ko. Magkita tayo sa VAWC. You want me dead? Dahil hindi kita binabalikan? Bring it on, bring it on. Multuhin ka sana ng nanay at tatay mo.”
Ang payanig na resibo ni Claudine para sa kanyang PA, isang notarized document ng promissory note na ginawa umano ni Sol, para bayaran ang umano'y utang nito sa kaniya, na aabot ng P5,000,000, na babayaran sa dalawang hulog. Nangyari ito noon pang 2023 batay sa petsa ng notaryo.
Sa post ni Barretto: “Pinatawad kita sa pang nanakaw mo.pero etong ginawa nyo MAGBABAYAD KAYO!!!PAREHO KAYO!!!"
Ang mga kaabang-abang na susunod na kabanata, ang paglitaw ng mga anak no Barretto at kung saan nga ba talaga dinala, at ang madamdaming pagtatagpo ni Claudine at mga anak.
Ang opisyal na pahayag at bersiyon ng katotohanan ni Marisol.
Of voting age na si Santino Santiago, 18 years-old na ang biological son nina Barretto at Raymart Santiago kaya ang bersyon ng katotohanan niya tungkol sa akusasyon ng kidnapping, kaabang-abang.
At kung papatulan ba ni Ginoong Santiago ang mga pasabog ng dating asawa lalo na nga’t kahit saan anggulo tignan at basahin ang mga paglalahad ni Barretto, nagsusumigaw na siya ang pinatutungkulan.
Ibang level ang dramarama sa totoong buhay ni Optimum Star Claudine Barretto. Taob ang mga paliko-liko at pagpihit ng mga kaganapan sa banghay ng mga melodrama, hindi ba naman?!