

Maaaring maglabas ng subpoenas ang Department of Justice (DOJ) ngayong linggo kaugnay ng hiwalay na plunder complaints laban kina Senators Jinggoy Estrada at Ramon “Bong” Revilla Jr., ayon kay Prosecutor General Richard “Dong” Fadullon.
Sa isang news forum noong Huwebes, 22 Enero 2026, sinabi ni Fadullon na posibleng maiskedyul ang preliminary hearings bago matapos ang buwan.
“Hopefully, subpoenas may be issued within the week,” ani Fadullon.
Aniya, kasalukuyang iniimbestigahan ng DOJ ang anim na malversation complaints kaugnay ng umano’y anomalous flood control projects na may koneksyon sa Wawao Builders at Topnotch Catalyst Builders Inc., kung saan si Senator Joel Villanueva ay nakasaad bilang respondent sa tatlo sa anim na reklamo.
Binigyan ng DOJ si Villanueva hanggang 26 January para magsumite ng counter-affidavit.
Depende sa ebidensiya, posibleng maisampa ang kaso sa regular courts o sa Sandiganbayan pagsapit ng kalagitnaan ng Pebrero.
Noong Lunes, 19 Enero 2026, naglabas ang Sandiganbayan Third Division ng warrant of arrest at hold departure order laban kay Revilla at anim pang iba dahil sa umano’y P92.8-milyong “ghost” flood control project sa Pandi, Bulacan.
Sumuko si Revilla noong gabi ng Lunes sa PNP-CIDG Camp Crame at inilipat sa kulungan noong Martes. Iginiit ng senador na wala siyang kinalaman sa ghost o hindi totoong flood control projects sa Bulacan, matapos isama siya sa dalawang complaints sa DOJ.
Si Estrada naman ay mariing itinanggi ang alegasyon ng dating DPWH Bulacan 1st District assistant engineer Brice Hernandez na nakatanggap siya ng kickbacks mula sa mga flood control projects.
Ayon sa DOJ, tuloy pa rin ang imbestigasyon sa lahat ng complaints habang sinusuri ng mga prosecutors ang ebidensiya mula sa complainants at respondents.