

Nagpasok ng "not guilty" plea si contractor Cezarah “Sarah” Discaya at 9 na iba pang indibidwal noong Martes, ika-13 ng Enero 2026, kaugnay ng mga kasong graft at malversation na may kaugnayan sa isang umano’y anomalya sa flood control project na nagkakahalaga ng P96.5 milyon sa Abad Santos, Davao Occidental.
Si Discaya, kasama ang presidente ng kanyang kumpanyang St. Timothy Construction na si Maria Roma Rimando, at 8 opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ay humarap sa Regional Trial Court (RTC) Branch 27 sa Lapu-Lapu City.
Ayon sa mga imbestigador ng gobyerno, ang flood control project ay idineklarang tapos na at nabayaran nang buo noong 2022. Gayunman, lumabas sa imbestigasyon na wala umanong makitang proyekto sa mismong lokasyon na nakasaad sa mga dokumento.
Kabilang sa mga naakusahan sina DPWH Davao Occidental district engineer Rodrigo Larete at assistant district engineer Michael Awa, pati ilang section chiefs, project engineers, at inspectors ng ahensya.
Ang mga kasong kriminal ay una umanong isinampa sa Digos RTC ngunit kalaunan ay inilipat sa RTC Branch 27 sa Lapu-Lapu City.
Itinakda ng korte ang susunod na pagdinig sa ika-27 ng Enero 2026 para sa pagmamarka ng mga exhibit sa harap ng klerk ng korte ng RTC.
Samantala, sinabi ng abogado ni Rimando na si Cornelio Samaniego na maghahain sila ng petisyon para sa piyansa at hihiling ng isang joint ocular inspection kaugnay ng proyekto.