SUBSCRIBE NOW SUPPORT US

Death penalty hiningi laban kay ex-South Korea president Yoon

YOON, itinuring na ringleader ng insureksyon.
YOON, itinuring na ringleader ng insureksyon. Larawan ni Jung Yeon-Je para sa Getty images.
Published on

Humiling ang isang special counsel team ng death penalty laban sa dating pangulo ng South Korea na si Yoon Suk Yeol kaugnay ng kanyang nabigong deklarasyon ng martial law, na itinuring ng prosekusyon bilang isang tangkang insureksyon upang manatili sa kapangyarihan.

Ayon sa special counsel team, si Yoon ang umano’y “ringleader” ng insureksyon na layong kontrolin ang hudikatura at lehislatura upang ipagpatuloy ang kanyang pamumuno.

Ang kahilingan para sa death penalty ay inihain ng team ni Special Counsel Cho Eun-suk sa huling pagdinig ng kaso sa Seoul Central District Court noong 13 January 2026, mahigit isang taon matapos ideklara ni Yoon ang martial law noong 03 December 2024. Ipinahayag noon ng dating pangulo na ang hakbang ay para umano sugpuin ang mga tinawag niyang “anti-state forces.”

Inaasahang ilalabas ng korte ang desisyon nito sa 19 February 2026.

Ayon kay Special Counsel Park Eok-su, itinuturing na napakabigat ng krimen dahil ginamit umano ni Yoon ang kapangyarihan at mga yaman ng estado, na dapat sana’y para sa kapakanan ng buong bansa. Matapos ihain ang kahilingan para sa death penalty, bahagyang ngumiti umano ang dating pangulo mula sa kanyang kinauupuan, habang ang ilan sa kanyang mga tagasuporta ay malakas na nagmura sa loob ng korte.

Sa kanyang 90-minutong huling pahayag, mariing itinanggi ni Yoon ang mga akusasyon at iginiit na wala siyang ginawang insureksyon. Ayon sa kanya, ginamit lamang niya ang kanyang constitutional state emergency powers bilang pangulo.

“Hindi iyon isang military dictatorship para sugpuin ang mamamayan, kundi isang pagsisikap na pangalagaan ang kalayaan, soberanya, at buhayin muli ang constitutional order,” pahayag ni Yoon.

Sinampahan ng kaso si Yoon noong January 2025 dahil sa umano’y pagsisimula ng insureksyon sa pamamagitan ng pagdeklara ng martial law. Inakusahan din siya ng pagtatangkang sirain ang Konstitusyon at pakikipagsabwatan kay Defense Minister Kim Yong-hyun at iba pa, kaugnay ng ilegal na deklarasyon ng martial law kahit walang digmaan o katumbas na national emergency.

Si Yoon ang kauna-unahang nakaupong pangulo ng South Korea na kinasuhan at pisikal na ikinulong noong Enero 2025. Pinalaya siya noong March 2025 matapos ipawalang-bisa ng korte ang kanyang arrest warrant, ngunit muling inaresto noong Hulyo 2025 dahil sa mga karagdagang kaso kaugnay pa rin ng kanyang tangkang pagpataw ng martial law.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph