

Ang Epstein files ay mga dokumento na may libo-libong pahina tungkol sa dalawang imbestigasyon sa sex trafficking ni Jeffrey Epstein at ng kanyang kasabwat na si Ghislaine Maxwell. Naglalaman ito ng mga travel logs, recordings, at emails, at naging usap-usapan simula ng pagkamatay ni Epstein noong 2019.
Noong Nobyembre 2025, tatlong emails na nakuha mula sa mga ari-arian ni Epstein ay tila nagpapahiwatig na ang kasalukuyang presidente ng USA na si Donald Trump ay may alam sa isinasagawang sex trafficking ni Epstein. Ngunit itinanggi ni Trump na may kaalaman siya sa mga krimen ni Epstein. Ang mga lumabas na email ay nagdulot ng panawagan mula sa publiko na ilabas ang kabuuan ng Epstein files.
Noong 18 Nobyembre, bumoto ang White House ng 427-1 para ipasa ang Epstein Files Transparency Act. Walang tumutol sa Senado, at ipinasa ang batas para sa pirma ng pangulo. Pinirmahan ni Trump ang batas sa susunod na araw, 19 Nobyembre.
Alinsunod sa Epstein Files Transparency Act, inilabas ng U.S. Department of Justice ang daang-libong dokumento.
Kahit na naisulong na ang batas, may mga limitasyon sa maaaring ilabas na impormasyon. Karamihan ng mga pahina ay may redactions upang protektahan ang mga buhay na biktima, isyu sa pambansang seguridad, mga taong sangkot sa bukas na imbestigasyon, at tahasang paglalarawan ng pinsala sa mga bata at menor de edad.
Maraming kilalang personalidad ang kabilang sa unang pangkat ng mga dokumentong inilabas, kasama sina dating Pangulo Bill Clinton, Prinsipe Andrew Mountbatten-Windsor ng UK (na kapatid ng kasalukuyang Hari Charles III), at mga musikero tulad nina Mick Jagger at Michael Jackson. Mahalagang maunawaan na ang pagkasangkot sa dokumento ay hindi awtomatikong nagpapahiwatig ng anumang ilegal o maling gawain. Itinanggi ng mga nabanggit ang anumang sala.
Ang pampublikong paglalabas ng Epstein files ay bahagi raw ng layunin ni Trump, kabilang sa Republican Party, na ipakita ang transparency ng pamahalaan at ipagtanggol ang sarili laban sa Democratic Party, na sinasabi niyang mayroon ding koneksyon sa ilang kaibigan ni Epstein. Gayunpaman, daan-libong dokumento pa rin ang hindi nailalabas, at marami ang pumupuna sa dami ng redactions. Iginiit ng administrasyon at DOJ na ang mga redactions ay alinsunod sa batas upang protektahan ang kaligtasan ng biktima at seguridad ng bansa. Ang Epstein files at ang paglabas nito ay hindi na lamang isang isyu ng transparency, ngunit tila nagsisimula nang magmukhang isang tunggalian ng kapangyarihan sa pagitan ng partidong Republikano at Demokratiko sa gitna ng isang hindi matatag na kapaligirang pampulitika.