Ikalawang pagdinig sa kaso ng anak ni Remulla, idinaos

Isinagawa na ang ikalawang hearing sa kasong possession of dangerous drugs laban sa anak ni Justice Secretary Jesus Crispin "Boying" Remulla na si Juanito Jose Remulla III sa Las Piñas nitong Biyernes.
Subalit nakadalo lamang ang anak ng kalihim sa pamamagitan ng teleconference at tanging ang mga abogado niya ang nagtungo sa Las Piñas Regional Trial Court branch 197 kung saan ipinrisinta ng prosekusyon ang kanilang mga testigo na pawang mga Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agents na kasama sa operasyon laban kay Remulla III.
Tumanggi ang magkabilang kampo na magbigay ng pahayag sa media .
Kung mapatunayang nagkasala si Remulla III sa kasong possession of dangerous drugs, mahaharap siya sa multang P500,000 hanggang P10 million at habambuhay na pagkakabilanggo dahil mahigit sa 500 gramo ng marijuana ang nakuha sa kanya.
Matatandaang inaresto ng mga tauhan ng PDEA si Remulla III ng Las Piñas City noong Oktubre 11.
Ang batang Remulla ang consignee sa package na naglalaman ng 2 packets ng high-grade marijuana na may timbang na 937 grams at nagkakahalaga ng P1.3 milyon.
Nakatakda sa Nobyembre 16 ang susunod na pagdinig.
