Imahe ni Hesus, winasak ng mga pakialamero

Nabasag ang isang imahe ng nakapakong Hesus matapos itong alisin mula sa kinalalagyan at paglaruan ng dalawang lalaki sa kalsada malapit sa Divine Mercy Shrine sa Vilnius, Lithuania.
Sa CCTV footage na ibinahagi sa social media ni Father Elijas Anatolijus Markauskas, vice-rector ng nasabing dambana, makikitang ang isang lalaki mula sa puwesto nito sa labas ng simbahan. Habang nakikipagbiruan sa kanyang kasama, itinaas niya ang imahe sa gitna ng kalsada ngunit aksidente itong nabitawan, bumagsak sa semento, at nabasag.
Bakas sa video ang pagkagulat ng lalaking may hawak nito, kaya agad na kumaripas ng takbo ang dalawa palayo sa lugar.
Kasunod ng insidente, humingi na ng paumanhin si Fr. Markauskas sa mga hindi kanais-nais at bulgar na salitang Ingles na maririnig sa audio ng CCTV recording, ngunit iginiit niyang ibinahagi niya ito upang maipakita ang buong pangyayari at matukoy ang mga salarin.
Nanawagan din ang pari sa mga residente ng Vilnius na makipagtulungan sa mga awtoridad upang makilala ang mga suspek na hinihinalang mga dayuhan dahil sa pagsasalita ng mga ito ng wikang Ingles.
"Mga minamahal na residente at bisita ng Vilnius, hinihiling namin ang inyong tulong sa pulisya upang makilala ang taong nakunan sa larawan na lumapastangan sa estatwa ng Nakapakong Hesukristo malapit sa Divine Mercy Shrine sa Vilnius,” aniya sa wikang Lithuanian.







