Ethan Benares nag-sorry

Humingi ng paumanhin si Pinoy Big Brother: Collab Edition 3.0 housemate Ethan Benares kay K-pop star Gehlee Dangca, sa pamilya nito at sa kanyang mga tagahanga kaugnay ng kontrobersiyal na “dinosaur” issue sa reality show.
Sa panayam matapos ang kanyang eviction, ipinaliwanag ni Ethan na nagsimula ang bansag na “dinosaur” nang ihambing ang kapwa housemate na si Calix Esguerra sa animated character na si Arlo mula sa pelikulang The Good Dinosaur.
“So from there po, parang it was at first words of endearment. Like little brother,” paliwanag niya.
Gayunman, naging kontrobersiyal ang naturang bansag matapos itong maiugnay sa biruan ng mga lalaking housemate tungkol sa umano’y kompetisyon nina Ethan, Calix at Jeo Ong para makuha ang atensiyon ni Gehlee.
Aminado si Ethan na nakisabay siya sa mga biruan kahit may mga pagkakataong hindi siya komportable dahil nais niyang makisama sa ibang lalaki sa loob ng bahay.
“At that point, I already nominated na ako and I learned na if hindi ako makikisama, baka they’ll vote me again and I’ll be kicked out again,” aniya.
“So, in a way na I was, like, my anxiety, everything was like, okay, let’s try to just keep up with the jokes of the boys and maybe, maybe they’ll accept me, you know? Maybe I’ll be one of the boys,” dagdag niya.
Ayon kay Ethan, naging dahilan ito upang makisabay siya sa mga biro kahit hindi siya sang-ayon sa ilan sa mga ito.
“Even if I find it uncomfortable, I would laugh so that, like, oh, he’s one of the boys. So, yeah, that was my mistake,” pag-amin niya.
Iginiit din niyang hindi niya intensiyong ituring na tropeo si Gehlee at nais lamang niya itong makilala bilang isang tao.







