

Si Jillian Ward ang nakikita. Siya sinisisi. Ang Sparkle prinsesa ang sinasabing may kasalanan. Anong kaguluhan ito? Bakit ang mga aktibo at berdaderong BarDa fandoms, imbiyerna kay pretty young Miss Ward?
Kasi naman, ang mga ka-Siete sa Kamuning, pangmalakasan na ang pag-aanunsyo na si Jillian na ang bagong katambal ni Pambansang ginoo David Licauco sa “Never Say Die” kaya alam na alam na, ang BarDa, portmanteau nina Barbie Forteza at Licauco, tigok na! Tinuldukan in a major, major. Paalam ba sa BarDa na may kasamang tandang pandamdam!
Ang sakit! Kay saklap! Literal na durog na durog ang mga sumusuporta sa BarDa dahil iba na ang kapareha ni Licauco. Naku, naku, naku! Hindi ako sigurado kung ano ang mangyayari tambalang JillVid, huh! Pero ang walang halong kiyeme latik, si Ward ang magdadala kay David.
Yung hindi batobalani at kapangyarihan ni Forterza, pati na rin ang kanyang fan base, hindi sapat ang fuerza dahi di ba nga, sa teleseryeng pinagbidahan nila ni Licauco, yung TV adaptation nung pelikula nina Sharon Cuneta at Robin Padilla, ang “Maging Sino Ka Man” eh umukit ng kasaysayan sa telebisyon bilang isa sa may pinaka-maikling pag-ere noh!
Sangrekwa rin ang lait na tinanggap ni La Forteza na nahawa ito sa kahinaan ni Ginoong Licauco sa pagbibigay buhay sa kanyang katauhan kaya semplang sa rating at naging sawimpalad ang huli nilang tambalan sa telebisyon.
Naway si Ward ay hindi tablan ng kung ano mang malas at sumpa ang dala nitong si Pambansang Ginoo. Panalo naman si David sa kanyang mga negosyo at matatagumpay ang mga ito. At alam naman ang bukas na aklat na alta ang kanyang angkan. Ang persepsyon tuloy dito, laruan at libangan lamang ang showbiz sa kanya kaya laging lelembot-lembot ito sa kanyang pagbibigay buhay at katotohan sa mga katauhang nakatalaga sa kanya.
Ito naman kasing mga taga-Kamuning, alam naman nilang si Emman Bacosa ay may paghanga sa hinhing tangi at dakilang ganda ni bibini, bakit hindi ito ang ginawa nilang katambal nito sa “Never Say Die?” Boksingero si Emman, at kung action drama series ito, eh di hamak na mas panalo ang isang leading man na may boxing skills, na may kasama pang tikas at tindig ng isang tunay na mandirigma. Brown skinned pa si young master Bacosa kaya walang umay at bagong-bagong tambalan, di ba naman?
Ang panalong katotohanan, na si Jillian Ward talaga ang Sparkle princess na maraming K! Kagandahan, check. Katalinuhan, double check! At Karapatan, dahil mula child star hanggang sa kasalukuyang estado nito, ang brillo at husay nito sa pag-arte eh talaga namang palong-palo.