

Pinabulaanan ng Malacañang ang kumalat na ulat na tatanggalin sa puwesto sina Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara at Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda.
Ayon kay Palace press officer Claire Castro, dumalo pa ang dalawang kalihim nitong Martes sa pulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council sa Malacañang.
Iginiit ni Castro na nakikita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mahusay na nagtatrabaho ang kanyang mga gabinete.
Mariin din niyang itinanggi ang usap-usapan na magkakaroon ng panibagong balasahan sa gabinete ng Pangulo.
Matatandaang nagkaroon ng pagbabago sa ilang posisyon ng gabinete nitong mga nakaraang buwan matapos masangkot ang ilang opisyal sa umano’y anomalya kaugnay ng mga flood control project.