P50 burial aid sa namatayang ina ng PWD, binatikos

Umani ng samut-saring reaksiyon at matinding batikos sa social media ang isang ulat patungkol sa isang ina mula sa San Fernando, Bukidnon matapos itong umanong makatanggap lamang ng P50 bilang burial assistance para sa pagpapalibing sa yumaong anak na may kapansanan (PWD).
Sa viral post na ibinahagi ng netizen na si Reynald Tayongon Ondil noong ika-11 ng Nobyembre, ibinunyag niya ang sinapit ng inang si Robie Ondil na nagtiyagang maghintay ng maghapon sa munisipyo upang humingi ng saklolo at tulong-panlibing.
"Kaawa-awa naman. Humingi ng tulong panlibing para sa kanyang anak na yumao na may kapansanan (PWD). Maghapon siyang naghintay sa munisipyo para humingi ng saklolo, pero binigyan lang ng 50 piso nang walang awa ng mga taga-munisipyo. Botante pa naman siya, bakit niyo naman siya ginanyan?” aniya sa Bisaya.
Agad na kumalat ang insidente at umani ng libo-libong shares at komento mula sa mga netizen na nagpahayag ng simpatiya sa pamilya habang nananawagan ng malinaw na paliwanag ukol sa sistema ng pamamahagi ng ayuda ng lokal na pamahalaan.
Sa kabila ng pag-ulan ng batikos online, nananatiling tikom ang bibig ng munisipyo ng San Fernando upang linawin kung ang naturang impormasyon ay may katotohanan at kung ang halaga ay bahagi ng personal na kontribusyon, o kung mayroon pa bang nakabinbing tulong para sa naulilang pamilya.







