100-machine dialysis center, target buksan sa Davao

Target simulan sa katapusan ng Oktubre ang operasyon ng 100-machine dialysis center ng Southern Philippines Medical Center Kidney and Transplant Institute (SPMC-KTI) sa Davao City.
May kabuuang 133 dialysis machine ang SPMC Kidney and Transplant Institute, kabilang ang 33 na nakalaan sa mga kuwarto ng mga naka-confine na pasyente.
Idadagdag ang mga ito sa 55 makina na ginagamit na ng SPMC upang mapalawak ang serbisyo nito sa mga pasyenteng nangangailangan.
Ayon sa Philippine Information Agency (PIA), nagkakahalaga ng ₱1 bilyon ang institute na naglalayong palawakin ang serbisyong pangangalaga sa sakit sa bato at kidney transplant para sa mga pasyente sa Davao Region at iba pang bahagi ng Mindanao.
Kabilang sa mga pasilidad nito ang laboratoryo, immunology section, intensive care unit, operating rooms at mga ward. Ibinigay naman ng Variance Trading Corporation ang mga dialysis machine sa ilalim ng public-private partnership nito sa SPMC.
Layunin ng pasilidad na makatulong na matugunan ang pangangailangan sa serbisyong medikal ng rehiyon, partikular sa Mindanao.
