Arestado ang dalawang pulis at tatlong sibilyan na umano’y sangkot sa isang extortion scheme na target ang mga aplikante sa Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr., isinagawa ang operasyon noong Setyembre 12 sa Pampanga at Quezon City matapos magreklamo ang isang 29-anyos na PNP applicant.
Una umanong siningil ng ₱250,000 ang aplikante, ngunit kalaunan ay ibinaba sa ₱150,000 ang halaga kapalit ng umano’y tulong upang makapasok sa PNP.
Narekober sa operasyon ang mark money, budol money, mga cellphone, at isang sasakyan.
Kabilang sa mga naaresto ang isang police lieutenant na team leader ng Basilan Provincial Cyber Response Team at isang patrolman na nakatalaga sa Zambales Police Provincial Office.