

Sinabi ng Malacañang nitong Miyerkules, 18 Pebrero 2026, na pinag-aaralan nito ang mga panukala para limitahan ang paggamit ng social media ng mga menor de edad, dahil ang sobrang paggamit at tuloy-tuloy na exposure online ay tinutukoy bilang posibleng dahilan sa tumataas na bilang ng teenage pregnancy sa bansa.
“Magandang suhestiyon ito, pero kailangan muna nating pag-aralan nang mabuti,” ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro sa isang briefing.
“Kailangang aralin dahil ang social media naman po ay may positive, may negative na effects sa atin. Kung ito po ay makakatulong sa ating mga kabataan, pag-aaralan po ito para kung anuman ang kanilang maibibigay na suhestiyon ay maaaring maipatupad,” dagdag niya.
Ayon kay Mylin Mirasol Quiray, chief ng Information, Management and Communications Division ng Commission on Population and Development, nakababahala ang tumataas na bilang ng mga batang babae na edad 10 hanggang 14 na nagdadalang-tao.
Ipinakita ng datos na 3,560 kabataan sa edad 10 hanggang 14 ang nanganak, tumaas mula sa 3,343 noong 2023.
Hanggang Pebrero 2026, sina Senators Panfilo Lacson, Imee Marcos, Raffy Tulfo at Camille Villar ay nagsampa ng mga panukalang batas upang limitahan o regulahin ang access ng mga menor de edad sa social media, bilang tugon sa mental health risks, cyberbullying at adiksiyon.
Kasama sa mga panukala ang age bans mula 12 hanggang 18 taon, mandatory age verification, parental consent requirements, at posibleng pananagutan ng mga platform.
Iniulat naman ng Department of Health (DOH) na 51 percent ng mga pagbubuntis sa bansa ay unplanned, at 30 percent nito ay kinasasangkutan ng mga kabataan.
Ayon kay Castro, nakipag-ugnayan ang Palasyo sa DOH, na nagsabing mayroon nang isinasagawang sex education programs na alinsunod sa batas at kultura.
“Kinausap po natin ang DOH, at sinabi naman po nila na mayroon po raw ngayon na isinasagawang sex education na naaayon sa batas at naaayon sa ating kultura. At mayroon din pong adolescent health services na maaaring puntahan ng ating mga kabataan. Hindi po kinakailangan ng permiso ng kanilang mga magulang, maliban lamang kung may mga treatment na gagawin o may ibibigay or gamot na irirekomenda. So, libre po ito at any time ay puwede po silang kumonsulta,” ani Castro.
Dagdag pa niya, nakikipag-ugnayan rin ang Palasyo sa Department of Social Welfare and Development upang tukuyin kung may karagdagang hakbang na kailangan.
Sa ibang bansa, naging unang bansa ang Australia na nagbawal sa mga batang wala pang 16 na taon na mag-access sa major social media platforms simula 10 December 2025. Kasunod nito, nagpapatupad o nagde-develop din ng katulad na hakbang ang France, Spain, Malaysia at Papua New Guinea bilang bahagi ng mas malawak na proteksyon sa mental health ng kabataan.