SUBSCRIBE NOW SUPPORT US

Remulla: Matagal pa bago maibalik si Co mula Portugal

INTERIOR and Local Governments Secretary Jonvic Remulla nagsabing hahaba ang proseso ng pagpapabalik kay Zaldy Co na nahaharap sa kaso ng korapsyon.
INTERIOR and Local Governments Secretary Jonvic Remulla nagsabing hahaba ang proseso ng pagpapabalik kay Zaldy Co na nahaharap sa kaso ng korapsyon.Larawan mula sa PNA.
Published on

Aabot pa ng mahabang panahon bago maibalik sa Pilipinas si dating Ako-Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, na kasalukuyang pinaniniwalaang nasa Portugal, ayon kay Interior and Local Governments Secretary Jonvic Remulla nitong Lunes.

Sinabi ni Remulla na “most improbable” o halos imposible sa ngayon ang agarang pagpapabalik kay Co sa pamamagitan ng deportation, bilang tugon sa panawagan ni ML Party-list Rep. Leila de Lima na makipag-usap na lamang ang gobyerno para sa deportation imbes na extradition.

“Iyon ang pinaka-logical na suggestion, pero pinaka-improbable rin,” ani Remulla sa isang radio interview. “Madaling sabihin ang sinasabi ni Rep. Leila, pero kailangan pa ring sundin ang rule of law.”

Paliwanag ng kalihim, hindi sapat ang simpleng kanselasyon ng pasaporte upang ma-deport si Co dahil mayroon itong Portuguese passport, na nagbibigay sa kanya ng mga karapatan at pribilehiyo bilang mamamayan ng Portugal.

“Kailangan mo ng extradition request para ideport siya. Hindi puwede ‘yung basta kanselahin ang passport,” ani Remulla.

Aminado rin ang kalihim na walang extradition treaty ang Pilipinas at Portugal sa kasalukuyan, bagama’t sinabi noon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pinag-aaralan ng gobyerno ang posibilidad ng pakikipagkasundo sa Portugal kaugnay ng kaso ni Co.

Sa kabila nito, sinabi ni Remulla na tinitingnan pa rin ng pamahalaan ang iba pang legal options upang maibalik si Co sa bansa.

“Pinag-aaralan namin kung ano ang puwedeng maging avenues sa United Nations at kung may existing agreements na puwedeng gamitin,” ani Remulla.

Dagdag pa niya, inaasahang malalaman sa loob ng linggong ito kung may posibleng hakbang, ngunit sa ngayon ay malinaw na wala pang extradition mechanism sa pagitan ng dalawang bansa.

Si Co ay isa sa mga mambabatas na nasangkot sa kontrobersiya sa mga flood control projects at kasalukuyang nahaharap sa corruption at malversation charges na inihain sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y anomalous na P289-milyong flood control project sa Oriental Mindoro.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph