

Ang LAHAT-HALA ay isang bukás na espasyo para sa malikhaing pagsulat sa Filipino at mga wikang rehiyonal. Layunin nitong tipunin ang sari-saring tinig ng mga Pilipino—mga kuwentong personal at panlipunan, tahimik at mapanghamon—at ilathala ang mga ito sa Dyaryo Tirada.
Naniniwala kami na ang panitikan ay hindi lamang sining, kundi isang kolektibong gawain at isang anyo ng pakikipag-usap sa pagitan ng sarili, kapwa, at lipunan.
Maikling Kuwento
1,500 hanggang 3,000 salita
Maikling Sanaysay
1,500 hanggang 3,000 salita
Tula
Isang suite ng 3 hanggang 5 tula, hindi lalampas sa 5 pahina kabuuan
Tumatanggap ang LAHAT-HALA ng mga akda sa Filipino at sa mga wikang rehiyonal. Para sa mga akdang nasa wikang rehiyonal, kinakailangang magsumite ng hiwalay na dokumento ng salin sa Filipino.
Bukas ang submissions sa anumang tema at genre. Maaaring magsumite ng higit sa isang akda at sa higit sa isang kategorya.
Walang honorarium ang proyektong ito. Ang LAHAT-HALA ay binubuo ng paniniwala na ang pagsusulat ay para sa lahat, at ang panitikan ay umuunlad sa pagbabahagi. Bagkus, ito ay isang proyektong binuo dahil gusto namin bigyan ng plataporma na mabasa ng mas malawak ang mga maliliit na manunulat.
Ang mga mapipiling akda ay ilalathala sa:
Website: tribune.net.ph/dyaryo-tirada
Dyaryo Tirada Facebook at Instagram pages
Araw-araw, maglalathala kami ng isang sanaysay, isang maikling kuwento, at isang suite ng mga tula. Maaaring mag-sumite ng mga obrang nai-post na sa personal na social media. Hindi maaaring mag-sumite ng mga obrang nailathala na sa mga libro, journal, o opisyal na website na maaaring may copyright.
Bagama’t bukas ang LAHAT-HALA sa malawak na saklaw ng paksa at anyo, mahigpit naming hindi tinatanggap ang mga akdang:
Nagpapalaganap o nagtatanggol ng diskriminasyon, poot, o karahasan laban sa sinumang indibidwal o grupo batay sa kasarian, identidad o ekspresyon ng kasarian, sekswal na oryentasyon, lahi, etnisidad, nasyonalidad, relihiyon, kapansanan, o antas sa buhay
Tahasang nagsusulong o nagno-normalize ng pananakit, pananakot, pang-aabuso, o pagsasamantala—pisikal, sekswal, o sikolohikal
Lumalabag o humahamak sa karapatan at dignidad ng tao
Gumagamit ng mapanirang wika o imahen na walang malinaw na layuning pampanitikan o kritikal
Kinikilala ng LAHAT-HALA ang kalayaan ng panitikan na humarap sa masalimuot at mapanghamong mga paksa. Gayunman, inaasahan naming ang bawat akda ay nagmumula sa pananagutang etikal at malinaw na layuning pampanitikan.
Inaasahan naming masilayan ang sari-saring tinig, imahinasyon, at tapang ninyong mga manunulat at makata. Mabuhay ang panitikang Pilipino!
Mag-sumite sa link na ito: https://forms.gle/REi7LhVfoRUJjmti8