Rape case vs film producer, ibinasura

Nakakahinga na nang maluwag at nakakatulig nang mahimbing si Pandi, Bulacan mayor at CineKo Productions producer Enrico Roque.
Ibinasura na ng korte ang kasong panggagahasa laban sa politician-mayor.
Inabsuwelto rin sina Pandi Councilor Jonjon Roxas at Roel Raymundo Jr. na mga kapartido ni Roque na idinawit sa kaso.
Ipinag-utos ni Caloocan Regional Trial Court Branch 121 Judge Rowena Violago Alejandria sa dalawang-pahinang resolusyon na ibasura ang kaso nung Pebrero 25.
Kakulangan ng ebidensiya ang dahilan sa pagpapatigil ng kaso. Paulit-ulit din na hindi sumipot sa korte ang nagreklamong babae.
Sa imbestigasyon ng hukuman, nadiskubreng hindi tunay na pangalan ang ginamit ng complainant at inimbento lang ang address sa Caloocan City na ibinigay nito.
Nag-isyu rin ng sertipikasyon ang Philippine Statistics Authority (PSA) na wala ring nakatalang Certificate of Live Birth, Certificate of Marriage, at Certificate of Death ang nagreklamo sa kanilang Civil Registry System database.
Gawa-gawa lang din ang medico-legal certificate na isinumite ng nagreklamo, ayon pa rin sa kortem
Wala ring record ng pangyayari sa blotter book ng Women and Children Protection Desk ng Caloocan City Police Station at ng Crime Information Reporting and Analysis Center ng Philippine National Police.
Naninindigan at naniniwala si Roque na politically motivated, paninira, at pag-atake sa pangalan at reputasyon niya ang mga paratang sa kanya.
Ang Cineko Productions ni Roque anf nag-produce ng mga pelikulang Family Matters (2022) at Family of Two (2023), na parehong naging entry sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
Co-producer din si Roque ng MMFF 2024 official entry na Espantaho at ng comeback movie ni Hilda Koronel na Sisa.
