Kontrolado na ang malaking sunog na tumupok sa mga kabahayan sa Vitas, Tondo.
Personal na nagtungo sa Vitas sina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo upang pamunuan ang disaster response ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at City Social Welfare and Development (CSWD).
"Agarang kumilos ang mga departamento ng city hall para tiyaking maayos ang kalagayan ng mga apektadong residente," pahayag ni Mayor Lacuna.
Dagdag pa niya, "Ginagawa namin ang lahat ng makakaya para matulungan ang mga pamilyang naapektuhan ng trahedyang ito. Asahan ninyong ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ay magbibigay ng agarang tulong, mula sa pagkain, pansamantalang tirahan, at iba pang mga pangunahing pangangailangan. Hindi namin pababayaan ang sinuman sa muling pagbangon mula sa hindi inaasahang pangyayaring ito."
"Inaantabayanan namin ang resulta ng imbestigasyon ng fire forensics team at mga rekomendasyon ng Bureau of Fire Protection upang masigurong hindi na maulit ang ganitong mga insidente," ani Lacuna.
Ang mga evacuation centers ay matatagpuan sa:
1. Barangay 106 Covered Court
2. Barangay 105 Covered Court
3. Vicente Lim Elementary School