Semis berth sa Adamson

Nagdiwang ang Adamson University Lady Falcons matapos patalsikin ang University of the Philippines sa quarterfinals ng Shakey’s Super League Unity Cup, 3-1, upang makasiguro ng puwesto sa semifinals.
Photo Courtesy of Shakey’s Super League.
Sinigurado ng Adamson University ang kanilang puwesto sa semifinals ng Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup matapos pataubin ang University of the Philippines, 3-1, sa kanilang do-or-die quarterfinal match.
Nabura ng Lady Falcons ang twice-to-beat advantage ng Fighting Maroons matapos makuha ang panalo sa iskor na 25-19, 22-25, 25-7, 25-16, upang makumpleto ang kanilang pag-usad sa Final Four.
Matapos mabigo sa second set, bumawi ang Adamson sa ikatlong frame sa pamamagitan ng dominadong 25-7 na panalo bago tuluyang tapusin ang laban sa fourth set.
Nanguna si Frances Mordi para sa Lady Falcons sa kanyang 22 puntos mula sa 18 attacks, tatlong service aces at isang block. Nag-ambag naman si Shaina Nitura ng 13 puntos, habang may 12 si Third Tuddao at 10 si Eloi Dote.
Sa pag-usad sa semifinals, haharapin ng Adamson ang unbeaten National University Lady Bulldogs na patuloy na naghahangad ng kanilang ikalimang sunod na titulo.







