Papuri ng Brazilian president kay PBBM, inalmahan

Umani ng mga negatibong kumento mula sa publiko ang pahayag ni Brazilian President Luiz Inácio Lula da Silva ukol sa pagkamit ng Pilipinas ng pinakamababang antas ng kahirapan sa kasaysayan nito na naisakatuparan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa isang state luncheon sa Pasay City noong Sabado, ika-14 ng Nobyembre, pinuri ni Lula ang pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas sa kabila ng mga hamon sa pandaigdigang ekonomiya.
“President Marcos, under your leadership, the Philippines has reached the lowest rate of poverty in its history,” pahayag ni Lula.
“Our countries do not accept underdevelopment as fate... And for the first time, the Philippines was considered a medium- to high-income country by the [United Nations],” dagdag niya.
Gayunman, kinuwestiyon ng ilang netizens ang naturang pahayag, partikular kung saan umano nakuha ng Brazilian president ang kaniyang impormasyon.
“Saan kaya nakuha ng presidente ng Brazil ang information na yan? Sino nag-tip?” tanong ng isang netizen.
“Only in paper. And being a state visitor, he won’t say otherwise,” tutol din ng isa.
May ilan ding nagpahayag ng pagdududa sa paraan ng pagsukat ng kahirapan sa bansa. “Hahaha adjusting the poverty threshold is the key, Go php 96/day,” kumento ng isa pang netizen.
Samantala, batay sa opisyal na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 9.7 porsiyento ang poverty incidence sa Pilipinas noong 2025 mula sa 15.5 porsiyento noong 2023.
Katumbas ito ng pagbaba sa bilang ng mahihirap na Pilipino mula 17.54 milyon tungong 11.08 milyon sa parehong panahon.
Ayon sa PSA, umabot sa P14,634 kada buwan ang average poverty threshold para sa isang pamilyang may limang miyembro noong 2025. Ito ang tinatayang minimum na kita upang matugunan ang pangunahing pangangailangan sa pagkain at iba pang gastusin.
Bukod sa poverty rate, tinalakay rin ng dalawang lider sa kanilang bilateral meeting, ang pagpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas at Brazil sa kalakalan, agrikultura, pamumuhunan at iba pang larangan.
Inimbitahan din ni Lula si Marcos na bumisita sa Brazil sa 2027 bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng relasyon ng dalawang bansa.







