Spaghetti pababa, pataas: Get get aw!
[EDITORYAL]

Sa Senado nitong Biyernes narinig ng madla ang problemang matagal nang pumupulupot sa mga lokal na kabahayan—ito ay ang “spaghetti wires” o ang buhol-buhol na mga bigkis ng mga kable ng kuryente na noon pa ay pangamba ng mga residente, lalo na ng mga magulang.
Muling binigyang-diin ni Senador Raffy Tulfo ang pag-iimbestiga sa mga spaghetti wires matapos ang mga insidente kaugnay nito, kabilang ang isang Grade 3 pupil nitong Abril na nawalan ng dalawang kamay at nagtamo ng malalang sugat, at ang isa pang biktima—ang 12-anyos na lalaki sa Cavite na nasawi dahil sa katulad na aksidente.
Ani Tulfo, “Ang patuloy na paglitaw ng mga ganitong insidente ay nagpapakita ng pangangailangang matukoy ang mga may-ari ng mga mapanganib na kable, malaman ang kani-kanilang responsibilidad ng mga kumpanya ng kuryente at pampublikong awtoridad, magtatag ng malinaw na mekanismo sa pag-iinspeksyon at pag-uulat, at tiyakin ang agarang pagtanggal, pagkukumpuni, paglilipat, o pagsasaayos ng mga hindi ligtas na pasilidad.”
Kung tutuusin, ang banta ng ganitong trahedya ay mayroon nang mahabang kasaysayan, kung saan para sa ilan, ito na ang kinamulatan at kinalakihan. Hindi na kailangan pa ng mas maraming buhay na maputol bago pa aksyunan ang mga seryosong usapin na kitang-kita naman sa tuwing ikaw ay titingala.
Talamak ang usaping ito. Sa oras ng sakuna gaya ng lindol o baha, lalo itong delikado sa bansang madalas tamaan ng mga samut-saring hagupit ng kalikasan. Maraming banta ang tumatama sa Pinas na hindi natin kontrolado, kaya’t marapat lamang na pag-igihin ang mga bagay na kaya namang kontrolin.
Bagaman mayroong mga ordinansa ang mga lokal na pamahalaan, nakalaylay pa rin ang bulok na pagpapatupad nito. Walang ngipin ang batas!
Mas buhay pa ang mga live wires na nakaharang sa kanto kaysa sa bilis ng serbisyong praktikal.
Kung sabagay, wala nang aksyon dahil wala na ring gaanong nagrereport; sanay na ang taumbayan sa mga palpak ng gobyerno.
Ang eksena, ang mahalaga na lamang ay may nagagamit na internet, bahala na kung paano ito ginapang sa mga poste.
Kailangan ng mga bata ng ligtas na lugar kung saan malaya silang makapagpatintero nang walang takot na ang kanilang huling taya ay taya ng kaligtasan. Ito’y munting dalangin lamang, alang-alang sa mga nagkikislapang mga mata ng pag-asa ng lipunan.
Kaya naman sa Senado, nawa’y dinggin ang sayaw ng mga kabahayan: spaghetti pababa, at pataas—bago pa tuluyang umaray ang mga residente.
Gets? Get get, aw!







