‘Meron pa isa sa bandang likod!’
(OPINION)

“Meron pa isa sa bandang likod!”
Sabay senyas ng konduktor na sumakay na ako sa EDSA Carousel.
Unang beses ko sa serbisyong ito. Pero hindi bago sa akin ang magkomyut. Ilang taon din akong regular na pasahero. Pamilyar ang pila, siksikan, at ang munting tagumpay kapag nakaupo ka sa halip na nakatayo.
Para sa akin, pagbabalik sa dating nakagawian. Para sa marami, isa na namang araw ng pakikipagbuno sa biyahe.
Sa loob ng bus, parang nagsama-sama ang iba't ibang mukha ng lipunang Pilipino. May manggagawang bitbit ang gamit sa trabaho, empleyadong galing opisina, propesyonal, nakatatanda, at mga beterano sa pagkomyut. Iyong alam kung saan pipuwesto, kailan uusog, at saan may tsansang makaupo.
Napaisip ako sa mga kuwentong dala nila. Baka may amang nagmamadaling makauwi, may dalang paboritong pansit ng anak, gaya ng masisipag at mapagmahal na amang ginampanan ni Fernando Poe Jr., o FPJ, sa mga pelikula noon. Hindi ko alam ang kuwento ng bawat isa. Pero tiyak na may kanya-kanyang pupuntahan ang mga pasahero, at marahil ay may naghihintay.
At ako? Nagmamadali rin. May kolum na kailangang isulat bago mawala ang mga naiisip ko. Mahirap nang maunahan ng antok ang inspirasyon.
Sa kabilang panig ng concrete barrier, halos gumagapang ang mga pribadong sasakyan. Nakita ko ang sarili ko sa mga nagmamaneho. Sa ibang araw, baka isa ako sa kanila. Pero ngayon, may upuan ako at mas mabilis ang usad. Aba, masarap din palang nasa kabilang panig!
May dapat kilalanin sa Department of Transportation. Malaking pagbabago ang EDSA Carousel: May sariling linya ang mga bus, mas maayos ang daloy, at kamakailan ay muling binuksan ang ilang inayos na istasyon. Hindi pa perpekto, pero may progreso. At nararapat itong kilalanin.
Pero hindi sa Carousel nagsisimula o nagtatapos ang biyahe. May jeep na sasakyan, pila na titiisin, at sasakyang lilipatan. May mga rutang tila naiwan sa lumang sistema. Ang mabilis na takbo sa EDSA ay hindi awtomatikong magaan na pag-uwi. Sa akin, pambihirang pagbabalik ito sa pagkomyut. Sa iba, paulit-ulit na bahagi ng bawat araw ng paghahanapbuhay.
Doon ako napaisip.
Kung walong oras ang trabaho, ilang oras ba talaga ang inilalaan ng manggagawa para magampanan ang walong oras na iyon?
May umaalis nang madilim pa at nakakauwi nang gabi na. Bukod sa trabaho, may lakad, pila, siksikan, paghihintay, at kabang baka mahuli sa pagpasok. Pagkatapos ng maghapong paggawa, uulitin ang lahat pauwi.
Hindi man kasama sa oras ng trabaho ang pagkomyut, kasama naman sa pagod. Ang oras na nauubos sa daan ay oras ding nababawas sa pahinga, pamilya, at mga simpleng bagay na nagbibigay-saya sa buhay.
May hangganan ang lugar ng trabaho. Pero kailangan bang doon din magtapos ang malasakit natin sa manggagawa? Hindi ito dagdag na pananagutan ng employer. Ang nais lamang ay makita ang kanyang kabuuang kalagayan, mula pabrika hanggang bus, at sa bawat hakbang sa pagitan.
Kamakailan, inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DoLE), sa pamumuno ni Secretary Francis Tolentino, ang paghahanda ng mga panuntunan laban sa panganib ng matinding init na kaugnay ng El Niño. Kapuri-puri ang ganitong paghahanda: pag-iwas sa pinsala, hindi lamang pagkilos kapag may napinsala na.
Magkaiba ang init sa trabaho at ang pagod sa biyahe. Pero kapwa nagtutulak sa atin na magtanong: Ano pa ang nakaaapekto sa kapakanan ng taong naghahanapbuhay, kahit wala na siya sa lugar ng trabaho?
Baka maaari ring pag-isipan ito ng DoLE, katuwang ang mga ahensiya sa transportasyon. Hindi kailangang magsimula agad sa bagong batas, programa, o obligasyon. Minsan, nagsisimula ang pagbabago sa pagpansin sa matagal nang tinitiis ng marami.
Naalala ko ang konduktor na gumawa ng puwang para sa isa pa.
Tapos man ang oras ng trabaho, hindi pa tapos ang biyahe. At may buhay pang naghihintay sa pag-uwi.
