70 kababaihan kada buwan, nahuhulog sa love scam — BoC

Ayon sa Bureau of Customs (BoC), hindi na biro ang kaso ng mga "love scam" kung saan ginagamit ang ahensya para mangikil ng pera sa mga kababaihang biktima.
Ang modus: una munang makikilala ang dayuhang manliligaw sa social media o dating apps. Sunod ay magpapadala siya ng mga simpleng regalo para makuha ang buong tiwala ng biktima. Pagkatapos ay ang mas mamahaling regalo tulad ng alahas, ngunit sasabihing nahuli ito ng BoC at kailangang magpadala ng libu-libong dolyar para ma-release ang padala. Dito na naloloko ang mga Pilipina na nahulog na ang loob sa kanilang online nobyo.
Ayon sa BoC, pumapalo sa 70 kababaihan kada buwan ang nabibiktima ng love scam.
Ibinahagi rin ni Commissioner Ariel Nepomuceno ang sinapit ng isang 80-anyos na babae kung saan nalimas ang kanyang P9 milyon ng nobyong nagpakilalang si "Elon Musk."
Nakumpirma ang nasabing scam nang mabahala ang mga anak nito at dinala siya mismo sa ahensya. Nagalit pa umano ang ginawa sa BoC dahil hindi makapaniwala na scam lamang ang lahat.
Nagbabala si Nepomuceno lalo pa't bumabata na raw ang mga nabibiktima ng scam, kung saan ang pangunahing target ngayon ay mga kababaihang nasa edad 30 hanggang 40.
Ayon din sa ahensiya, huwag basta-bastang magbibigay ng personal na impormasyon online at lalong huwag magbigay ng pera sa taong hindi naman lubos o personal na kilala.
Maniguro rin sa mga katibayan gaya ng resibo, tracking numbers ng package, pangalan ng kumpanya, at iba pang dokumento. Maaari ring dumulong sa boc.cares@customs.gov.ph o sa pinakamalapit na sangay ng BoC sa inyong lugar.
