Netizens inuungkat interviews nina Zoren, Carmina: Red flag si husband!

Tila naging karma raw ni Carmina Villarroel ang asawang si Zoren Legaspi matapos ang pagloloko nila noon kay Rustom Padilla, na ngayon ay si BB GandangHari na, ayon sa netizens.
Muling kasing pinag-uusapan si Zoren matapos ungkatin ng publiko ang interviews nito na nagpapakita ng "redflag" behavior.
Isa sa mga tinutukoy na panayam ay kanilang guesting sa Fast Talk with Boy Abunda, kung saan inamin ni Zoren na muntik na siyang magpadala sa tukso ng ibang babae, ngunit napigilan umano ito dahil sa kanyang pananampalataya.
Umani rin ng batikos ang pahayag niyang dapat suriin ng mga babae kung naaalagaan nila nang maayos ang kanilang asawa bago kuwestiyunin kung bakit ito nagtaksil. Agad namang kumontra si Carmina at sinabing, “Wait, you're justifying. I beg to disagree.”
Gayundin, muling nabuhay ang lumang panayam nila sa Kris TV kung saan napag-usapan ang posibilidad na iwan ni Zoren si Carmina kapag tumaba ito. Hindi rin pumayag ang aktres sa ganitong pangangatwiran.
Sa kabila ng mga batikos, nanindigan na noon si Carmina na hindi lubos na kilala ng publiko ang kanyang asawa.
“Kung red flag si Zoren, hello, matagal na akong wala sa marriage na ito, darling,” giit niya sa isang panayam.
Say naman ng netizens, nasa piling na umano ng mabuting lalaki si Carmina noon sa katauhan ni Rustom, ngunit pinili pa rin niyang makasama si Zoren, na kinukuwestiyon ngayon dahil sa mga pahayag nitong tila nagbibigay-katwiran sa pagtataksil.
