Limang taong termino ng barangay at SK officials, lusot sa Senado


Inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magpapalawig sa termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) mula apat hanggang limang taon.
Sa botong 13 pabor, 5 kontra, at walang abstention, nakalusot ang Senate Bill No. 2387.
Kabilang sa mga senador na bumoto laban sa panukala sina Sen. Vicente Sotto III, Bam Aquino, Joel Villanueva, Francis Pangilinan, at Risa Hontiveros.
Sa ilalim ng panukala, magiging limang taon ang termino ng mga halal na opisyal ng barangay at SK. Maaari namang magsilbi ang isang barangay official ng hanggang dalawang magkasunod na termino sa parehong posisyon, habang isang termino lamang sa parehong posisyon ang papayagan para sa isang SK official.
Iminungkahi rin sa panukala na idaos ang susunod na Barangay at SK Elections sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028, at isagawa ang mga halalan kada limang taon pagkatapos nito.