

Imbes na tangke ng gasul, nakitaan ng droga ang isang delivery rider sa isang buy-bust operation na ginanap nitong Biyernes ng madaling araw sa Barangay Calapacuan, bayan ng Subic, Zambales.
Ayon sa report ng pulisya, kinilala ang suspek na si alias Ariel, residente ng nasabing barangay. Ang naturang buy-bust operation ay isinagawa sa bisa ng PDEA Pre-Operation and Target Intelligence Packet (TIP).
Ang pinagsamang puwersa ng Philippine National Police Drug Enforcement Group Special Operations Unit 3 (PNP-DEG SOU3), Subic Municipal Police Station, at PDEA Regional Office 3 ang nagsagawa ng operasyon laban sa naturang delivery rider.
Nakuha mula sa suspek ang isang “medium-sized heat-sealed transparent plastic sachet” na may lamang pinaghihinalaang shabu na may bigat na mahigit-kumulang 50 gramo. Ang naturang droga ay may standard drug price na P340,000.
Ang mga naturang ebidensiya ay dinala sa Olongapo City Forensic Unit, samantalang ang suspek ay kasalukuyang nakaditene sa Subic Municipal Police Station habang inaayos ang mga kasong isasampa laban sa kanya.