SUBSCRIBE NOW SUPPORT US

Dy: Konsultasyon sa anti-dynasty, maaaring maging modelo para sa batas

HOUSE Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, sinabi na ang serye ng regional consultations ay nagpapakita kung paano maaaring mas palawakin ng Kongreso ang pakikipag-ugnayan sa publiko sa mahahalagang panukalang batas.
HOUSE Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, sinabi na ang serye ng regional consultations ay nagpapakita kung paano maaaring mas palawakin ng Kongreso ang pakikipag-ugnayan sa publiko sa mahahalagang panukalang batas.Photo courtesy of House of Representatives
Published on

Sinabi ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na ang isinagawang nationwide consultations kaugnay ng panukalang Anti-Political Dynasty Act ay maaaring magsilbing modelo kung paano dapat makipag-ugnayan ang Kongreso sa publiko sa malalaking panukalang batas.

Pinangunahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, sa pamumuno ni Rep. Zia Alonto Adiong, ang mga regional hearing sa Cavite, Cebu, at Cagayan de Oro upang dalhin ang deliberasyon ng lehislatura nang direkta sa mga komunidad.

“Ipinakita nito na ang ginawa natin sa Cavite, Cebu, at Cagayan de Oro ay maaaring magsilbing modelo para sa mga susunod na konsultasyon sa iba pang panukalang may pambansang kahalagahan,” ani Dy.

Kasalukuyang kinokonsolida ng Kamara ang 24 na panukalang anti-political dynasty, kabilang ang House Bill No. 6771 na inakda nina Dy at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos, upang makabuo ng isang substitute measure.

Ayon kay Dy, ipinakita ng mga konsultasyon ang kahalagahan ng inklusibong dayalogo sa pagpapalakas ng batas at pagtitiwala ng publiko.

“At kung tunay nating hangad ang people-centered governance, ang konsultasyon ay dapat maging bahagi ng ating kultura ng pamamahala,” pahayag ng Speaker na mula sa Isabela.

Inilarawan din niya ang hakbang bilang paglipat tungo sa mas participatory governance, kung saan ang pagbuo ng batas ay hindi lamang nakapaloob sa session hall.

“Ipinapakita po nito na ang batas ay hindi lamang dapat binubuo sa loob ng session hall, kundi kasama ang taumbayan mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao,” dagdag niya.

Matapos ang mga konsultasyon at habang isinasagawa ang konsolidasyon, sinabi ni Dy na maaaring gamitin ang kaparehong regional engagements sa iba pang priority bills ng Kamara.

“Patuloy po tayong mag-usap. Patuloy po tayong makinig. At patuloy po tayong magtulungan para sa mas matatag na Bagong Pilipinas,” ani Dy.

Sa hiwalay na video message, nagpasalamat ang Speaker sa mga Pilipinong lumahok sa mga konsultasyon, at binanggit na kapwa suporta at pagtutol ang naipahayag sa mga talakayan.

“Sa lahat ng nakilahok sa Anti-Political Dynasty Bill consultations sa Cavite, Cebu, at Cagayan de Oro, taos-puso po kaming nagpapasalamat,” wika niya.

Kinilala rin niya ang pagsisikap ng mga mamamayan na makibahagi sa mga diskusyon sa polisiya.

“Hindi madali ang maglaan ng oras upang makinig, magsalita, at makipag-ugnayan sa usaping mahalaga sa ating demokrasya. Ngunit pinili ninyong makilahok. Pinili ninyong magpahayag ng inyong damdamin. Pinili ninyong maging bahagi ng proseso,” aniya.

Binigyang-diin ni Dy na ang hindi pagkakasundo ay bahagi ng demokratikong proseso.

“We may not agree on every provision. We may not see eye to eye on every detail. But the fact that we can sit down, listen to each other, and debate with respect, that is democracy in action.”

Tinukoy niya ang naging partisipasyon ng iba’t ibang sektor, kabilang ang mga estudyante, civil society groups, local officials, professionals, at mamamayan.

“Sa lahat ng students, civil society groups, local officials, professionals, at citizens, maraming salamat sa inyong tapang, malasakit, at pakikiisa.”

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph