

Pormal nang tinanggap ng Office of the Secretary General ng House of Representatives ang ikaapat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte alas-6:34 ng gabi noong Miyerkules, at ipinadala na ito sa Office of the Speaker ngayong Huwebes, alinsunod sa umiiral na patakaran ng Kamara.
Ang verified complaint ay inihain ni Atty. Nathaniel G. Cabrera at inendorso nina House Committee on Human Rights Chair Bienvenido “Benny” Abante Jr. at Deputy Speaker Paolo Ortega V.
Nilinaw ng Office of the Secretary General na ministerial lamang ang kanilang tungkulin, na limitado sa pagtanggap at pagpapasa ng mga dokumentong isinusumite sa House.
Binigyang-diin din ng tanggapan na anumang aksyon kaugnay ng reklamo ay isasagawa nang mahigpit na naaayon sa Konstitusyon at sa rules ng House of Representatives.