

Ibinahagi ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera-Dantes ang kanyang pananaw sa posibilidad ng muling pag-aanak.
Sa YouTube channel ni Karen Davila, inamin ni Marian na napag-uusapan nila ng kanyang asawa at Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes ang plano para sa ikatlong anak, kasunod nina Zia at Sixto.
“Gusto niya eh. Gusto pa niya. Sabi niya, ‘Please one more, one more,’” kuwento ni Marian.
Gayunman, aminado ang aktres na may alinlangan pa siya tungkol sa plano.
“So nandun ako sa 50-50 ko ngayon dahil gusto ko talaga ng maraming anak. Pero sabi ko nga kay Dingdong, gusto ko ng maraming anak, pero iniisip ko kung kaya ko bang ibigay ’yung 100 percent ko sa inyong lahat,” paliwanag niya.
“Kasi dalawa na ’yung anak ko, si Dingdong, ako. Ngayon kung magbi-baby pa ulit ako, kaya ko bang hatiin ang katawan at oras ko na lahat kayo ay magampanan ko ng 100 percent?” dagdag pa niya.
Gayunpaman, suportado naman daw si Dingdong sa magiging desisyon ng kanyang misis at nauunawaan ang nararamdaman nito.
“Sabi ni Dingdong, kung ano ’yung nasa puso mo, hindi kita pipilitin. But if you will ask me, I want one more,” ayon kay Marian.