

Sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon noong Biyernes, 23 Enero 2026, na hindi na papayagang makalahok sa mga proyekto ng ahensiya ang mga fly-by-night o tinatawag na “hao-siao” contractors, kasabay ng kanyang pangakong reporma upang maiwasan ang pagkaantala at pagkakatengga ng mga imprastraktura.
“Hao-siao or fly-by-night contractors has no place in all projects to be implemented by the DPWH,” ani Dizon. “We will not allow hao siao’s, hindi na pwede. As I see it, when we bring down the cost of materials many legitimate contractors will be coming in to participate.”
(“Ang mga hao-siao o fly-by-night contractors ay walang lugar sa mga proyektong ipatutupad ng DPWH. Hindi na sila papayagan. Kapag bumaba ang gastos sa materyales, mas maraming lehitimong kontratista ang sasali.”)
Binigkas ni Dizon ang pahayag matapos inspeksyunin ang bahagi ng MacArthur Highway sa Apalit, Pampanga na puno ng lubak at halos limang taon nang hindi naaayos, na ayon sa mga lokal na opisyal ng DPWH ay dahil sa kakulangan ng pondo.
“It’s very short, wala pang 500 metro pero five years nang hindi nagagawa… Dati, P38 million lang, hindi mapondohan?! Pu***** P1 trillion ang budget ng DPWH,**” ani Dizon, na halatang dismayado.
(“Napakaikli nito, wala pang 500 metro pero limang taon nang hindi nagagawa… Dati, P38 million lang, hindi mapondohan?! Samantalang P1 trillion ang budget ng DPWH.”)
Inatasan niya ang Pampanga 1st District Engineering Office na tapusin ang pagkukumpuni ng kalsada bago magsimula ang tag-ulan, gamit ang ipon ng DPWH mula 2025. Ayon kay Dizon, nangako ang tanggapan na matatapos ang proyekto bago ang tag-ulan at maaari umanong magtrabaho nang 24/7 kung kakailanganin.
Tiniyak din ni Dizon sa publiko na hindi maaantala ang araw-araw na operasyon ng Pampanga 1st District Engineering Office sa kabila ng kanyang suspensiyon sa district engineer, habang iniimbestigahan ang umano’y anomalya sa mga flood control project.
Sa parehong inspeksiyon, binisita rin ni Dizon ang road dike sa Barangay Cupang, Arayat, Pampanga, na gumuho noong Typhoon Uwan noong nakaraang taon at lalo pang lumubog, dahilan upang hindi na madaanan ng malalaking sasakyan.
Nanawagan si Pampanga Vice Gov. Dennis Pineda, na kasama sa inspeksiyon, ng agarang hakbang upang maprotektahan ang mga komunidad bago ang tag-ulan, at nagbabala na maaaring umabot ang baha sa Arayat, Sta. Ana, Mexico proper, at maging sa San Fernando kung pababayaan.
Sumang-ayon si Dizon at sinabing pinag-aaralan na ang parehong panandalian at pangmatagalang solusyon, kabilang ang malawakang dredging at desilting ng Pampanga River.
Dagdag pa niya, kabilang sa mga prayoridad na i-update at ipatupad ang Pampanga River Basin Flood Control Master Plan sa tulong ng DPWH at ng Technical Working Group on Flood Management, na kinabibilangan nina dating public works secretary Rogelio Singson at Project NOAH executive director Mahar Lagmay.
Ayon kay Dizon, kapag malinaw na ang plano, sisiguruhin niyang tanging mga kuwalipikado at lehitimong kontratista lamang ang pipiliin para magsagawa ng mga proyekto.