

Nasamsam ng Philippine National Police (PNP) ang halos P197 milyong halaga ng pekeng tsinelas at iba pang kaugnay na kagamitan sa mga bodega sa Barangay Inaon, Pulilan, Bulacan.
Pinuri ni acting PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mabilis na koordinasyon ng mga yunit na nagsagawa ng operasyon.
“Pinapakita ng operasyong ito na seryoso ang PNP sa pagpapatupad ng batas. Hindi natin hinahayaang malinlang ang publiko o labagin ang batas—lokal man o dayuhan. Ang proteksyon ng lehitimong negosyo at ng sambayanang Pilipino ang palagi nating prayoridad,” ani Nartatez.
Isinagawa ang operasyon bandang 10:30 ng umaga sa pangunguna ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit 3, CIDG Bulacan Provincial Field Unit, at Pulilan Municipal Police Station sa ilalim ng Bulacan Police Provincial Office.
Sa bisa ng isang search warrant kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines, nakumpiska ng mga awtoridad ang 1,119 kahon ng pekeng tsinelas na nagkakahalaga ng P141.02 milyon.
Nasamsam din ang 30 sako ng mga aksesorya ng tsinelas na tinatayang P39 milyon ang halaga, isang injector machine na nagkakahalaga ng P2.5 milyon, at tatlong set ng molding machines na tinatayang P14.25 milyon.
Sa kabuuan, umabot sa P196.77 milyon ang tinatayang halaga ng lahat ng nasabat na ebidensiya.
Ang mga suspek, na pawang mga Chinese national, ay kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG RFU 3. Ang mga nakumpiskang gamit ay isinailalim na sa tamang imbentaryo at isinuko sa mga kinauukulang ahensiya para sa wastong disposisyon.