

Nakapagtala ang Mayon Volcano ng kabuuang 338 rockfall events at 72 pyroclastic density currents (PDCs) sa loob ng nakalipas na 24 oras, ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Sabado.
Nanatili ang Mayon sa Alert Level 3 habang patuloy ang intensified unrest o magmatic unrest nito. Nakitaan din ang bulkan ng patuloy na paglabas ng lava dome at lava flow.
Ayon pa sa Phivolcs, kapansin-pansin ang crater glow na makikita na ng mata. Noong Sabado, umabot sa 4,970 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinuga ng bulkan, habang halos buong maghapon ding naobserbahan ang makapal at natatakpang usok o plumes.
Nagpaalala ang Phivolcs na posibleng panganib sa paligid ng bulkan ang rockfall, landslide o avalanche, ballistic fragments, lava flow at lava fountaining, pyroclastic density currents, katamtamang pagsabog, at lahar lalo na kung may malakas at tuloy-tuloy na ulan.
Mariin ding ipinagbabawal ang pagpasok sa six-kilometer radius Permanent Danger Zone, pati ang pagpasok sa Extended Danger Zone nang walang sapat na pag-iingat. Ipinagbabawal din ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan.
Mas maaga, sinabi ng Office of Civil Defense na kinakailangan ang dagdag na pag-iingat sa Albay dahil sa patuloy na pag-aalboroto ng Mayon, lalo pa’t posibleng lumala ang sitwasyon dahil sa tropical storm “Ada.”
“Dahil sa patuloy na unrest ng Mayon Volcano sa Albay, kinakailangan ng karagdagang hakbang dahil maaaring palalain ng bagyong ‘Ada’ ang emergency situation sa probinsya,” pahayag ni Civil Defense Administrator at Undersecretary Harold Cabreros noong Biyernes ng gabi.
Noong Biyernes, nakapagtala rin ang Phivolcs ng pagtaas ng seismic energy at pagbuga ng volcanic gas mula sa Mayon.
Ayon sa ahensya, tatlo sa 16 monitoring stations ng bulkan ang nakapagtala ng pagtaas ng real-time seismic energy release (RSAM) mula Huwebes hanggang Biyernes, kahit walang naitalang volcanic earthquakes, at nanatiling zero ito noong Sabado.
Ipinaliwanag ng Phivolcs na ang pagtaas ng seismic energy ay dulot ng mas madalas na rockfall at pyroclastic density current activity, na indikasyon ng mas mabilis na pag-agos ng lava sa bunganga ng Mayon.