

Umuusbong ang mga usap-usapin tungkol sa umano’y ugnayan ng “BGC Boys”—sina dating Public Works Bulacan 1st District Engineers Henry Alcantara, Brice Hernandez, at JP Mendoza—kay Bise Presidente Sara Duterte, kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.
Ito ay kasunod ng ulat na maaaring ibalik ni Alcantara ang kanyang mga naunang pahayag sa pagkakasangkot sa “ghost” flood control projects. Gayundin, binanggit ang umano’y pagbawi nina Hernandez at Mendoza ng kanilang testimonya. Bagama’t wala pang opisyal na affidavit o recantation na natatanggap ang Department of Justice (DOJ) mula kay Alcantara, sinabi ni batikang kolumnista Mon Tulfo sa kanyang Facebook post noong Sabado, ika-10 ng Enero:
“Nakikipag-usap ang mga abogado raw ng BGC Boys sa kampo ni Sara Duterte na maaaring ma-impeach next month. Ang pag-asa nila ay ma-acquit si Sara sa Senado, acting as an imprachment court, at maging presidente ng bansa sa 2028.”
Ayon kay Tulfo, alam ng BGC Boys na sila ay maaaring maidiin at makulong sa kasong plunder dahil sa anomalya sa flood control projects. Pero, kung mananalo si Sara, posibleng mabigyan sila ng executive clemency—pardon, commutation, o reprieve—bilang bahagi ng umano’y planong collab.
Dagdag pa ni Tulfo, kailangan ding manatili ang mga kaalyado ng bise presidente sa Senado upang makabuo ng sapat na physical votes para sa impeachment case. Binanggit din ang posibilidad na maidikit sa “ghost projects” ang ilang kongresista at senador na napangalanan sa korapsyon, kabilang sina Senador Francis “Chiz” Escudero, Joel Villanueva, at Jinggoy Estrada. Sa kalaunan, maaring maiugnay din ang dating Speaker Martin Romualdez at panghuli, si Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Bagama’t walang kumpirmadong pahayag mula sa BGC Boys o kampo ni Sara Duterte, patuloy ang mga spekulasyon sa social media at kolum ng mga batikang mamamahayag tungkol sa umano’y legal na pakikipag-ugnayan.