

Ipinahayag ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang kanyang tuwa at pagmamalaki sa limang tauhan ng ahensya na matagumpay na nakapasa sa bar examinations.
Ayon kay Catapang, proud siya sa mga nakamit nina Charles Agraba, CSO1 Niño De Vera, CO3 Robin Saicag, CTSO1 Cherry Manago, at CO1 Xerces Sebido.
“Hindi lang nito ipinapakita ang personal na tagumpay ng bawat isa, kundi pinatutunayan din nito ang dedikasyon at potensyal na meron sa loob ng aming organisasyon,” ani Catapang.
Dagdag pa niya, dumaan ang bawat isa sa matinding pagsubok at sakripisyo sa kanilang bar journey. Aniya, ang kanilang mga kuwento ay patunay ng sipag at commitment, at nagsisilbing inspirasyon hindi lang sa kanilang mga kasamahan sa BuCor kundi pati sa mga nangangarap maging abogado sa buong bansa.
Sinabi rin ng BuCor chief na malaking tulong sa ahensya ang legal expertise ng mga bagong abogado. Ayon sa kanya, makatutulong ang kanilang kaalaman sa mas malalim na pag-unawa sa mga usaping legal kaugnay ng corrections at rehabilitation.
“Mas napapalakas nito ang kakayahan ng aming team na itaguyod ang hustisya at igalang ang karapatan ng mga taong nasa aming pangangalaga, habang sinisiguro na ang aming mga operasyon ay naaayon sa batas at etika,” dagdag ni Catapang.
Aniya, tiyak na makikinabang ang BuCor sa kanilang mga insight at kakayahan, at mas mahihikayat ang kultura ng kaalaman at innovation sa loob ng ahensya. Inaasahan din niya ang positibong ambag ng limang bagong abogado sa mga darating na taon.