

Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na lehitimo ang viral na selfie ng driver ng namayapang dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary na si Maria Catalina Cabral sa Kennon Road, Tuba, Benguet bago ang insidente.
Ayon kay Remulla noong ika-19 ng Disyembre, tunay ang litrato dahil ito ay kuha mismo sa cellphone ng driver na si Cardo Hernandez bago sila bumiyahe ni Cabral patungong Baguio City upang mag-check in sa isang hotel.
“During the morning, nung bumaba siya ng alas-otso kung hindi ako nagkakamali,” ani Remulla.
Sa viral na larawan, makikita ang selfie ng driver sa lugar kung saan huling nakita ang kanyang amo na nakaupo sa gilid ng bangin.
“Consistent ang autopsy sa blunt force trauma from a fall. It turns out na noong umaga, sinubukan na niya [tumalon], nakita ng pulis kaya umatras,” pahayag ni Remulla.
Dagdag pa niya, “Pagbaba ng driver ng halos dalawang kilometro para magpa-gasolina, pagbalik niya ay wala na si Cabral. Posibleng doon pa lamang siya tumalon.”
Tinatayang umabot sa 20 metro, o katumbas ng limang palapag, ang lalim ng pinagbagsakan ng dating opisyal.
Bilang undersecretary na matagal nang nagsilbi sa DPWH, si Cabral ay umano’y sangkot sa maanomalyang flood control projects bilang tagapagbigay ng allocables o insertions sa National Expenditure Program. Ayon kay dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, si Cabral umano ang naglaan ng P5 bilyon kay dating Secretary Manuel Bonoan mula 2023 hanggang 2025.
Samantala, sinabi ni Philippine National Police spokesperson Jose Milencio Nartatez na nakikipag-ugnayan din ang PNP sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) at iba pang ahensya ng gobyerno upang matukoy, mapreserba, at masigurong ligtas ang mga ebidensyang may kaugnayan sa imbestigasyon sa flood control.