
Francine Diaz kasama ang kanyang ka-love team na si Seth Fedelin.
Larawan mula sa Facebook
May malaking pressure na naramdaman si Francine Diaz nang gawin niya ang isang episode ng “Shake, Rattle & Roll: Evil Origins” kasama ang kanyang ka-love team na si Seth Fedelin.
Unang nagbida ang Franseth sa “May Future You” ng Regal Entertainment na kasama sa Metro Manila Film Festival (MMFF) bilang isa sa official entries last year.
"Nakaka-pressure po talaga kasi po nag-MMFF kami last year and MMFF po ulit this December," say ni Francibe sa grand mediacon ng “SRR: Evil Origins” na ginanap sa Cinema 5 ng Gateway mall kamakailan.
"Siyempre, 'yung expectations alam po namin 'yun pero masasabi po namin na kahit ang dami naming ginagawa habang ginagawa 'yung Shake, Rattle & Roll, ibinigay po namin ang lahat. Sana ma-appreciate iyon ng mga manonood kasi naging hands on po talaga kami," dagdag pa niya.
Sobrang na-pressure si Francine dahil lagari siya sa dalawang project, ang “Sins of the Father” na nagtapos na last week at ang “SRR.”
"Tatalon kami ng teleserye tapos pelikula. Lahat po 'yun, lahat ng dugo, pawis, lahat ng puyat, lahat ng pagod, kasama po lahat 'yun noong ginagawa namin ito. Ginagawa namin siya ng may pagmamahal at pasasalamat sa Regal Entertainment lalo na kay Ma'am Roselle Monteverde at Keith Monteverde kasi first “Shake, Rattle & Roll” movie ko po ito, first horror movie ko po," say ng dalaga.
Naging maganda naman ang experience ni Francine habang ginagawa ang “SRR.”
"'Yung experience ko sobrang saya. Ganoon pala kasi noong nanonood lang po ako dati, ini-imagine ko, 'paano kaya kung ako naman tapos ngayon ay isa na rin ako sa mga mapapanood."