

Kataka-taka at katawa-tawa raw
Pag-halik sa krus at pag-kausap sa araw.
Pinagtagpi ang rosaryo’t kristal sa iisang tali
Baraha’t bibliya’y pinagpapalit-palit sa pagbabakasakali.
Sabi nila, nakakahiya, nakakasuklam
Na halo-halo ang halik at iyak sa kapangyarihang ‘di alam.
Sabi nila, pumili, pumanig, pumatol.
Desperadong aso na walang iisang tahol.
Kung may mali sa paraan ng aking pagkaligtas,
Sa mga ritwal at seremonya na sariling batas,
Masisisi ba ang Anak na tumayong sariling Ama?
Maitataboy ba ang galing sa kabaong na ginawang kama?
Kung ako’y palalayasin dahil pinitas ang prutas,
At ako’y pababayaan dahil ininom ang katas,
Hindi ba’t kahanga-hanga na may sariling langit
Kung saan sasagip sariling lambat nakapaligid?
Sa aking paraiso, sasayawin ang himig at himno
Sa harap ng altar at katuwang ang aking anino.
Belong puti at paldang pula ng babaeng banal
Sa ngalan ng Ina, ng Anak, at Espiritung Mapagmahal.
Kaya’t pumanig sa Birhen at lumuhod sa sahig.
Hulaan ang guhit ng kamay at lawayan ang lamig.
Ako’y ikinulong at tinanggalan ng kasarinlan,
Ngunit loob ay pinalaya sa sariling pamamagitan.
Si Ebang pumitas,
Suot ang usisa ngunit hubad sa muwang.
Hangad ang kaalaman,
Hangad na maging katulad ng Amang Makapangyarihan.
Ngunit kawawang babae,
Ina ng kasalanan at nagdala ng kamatayan
Sa lahat ng anak na isinilang at isisilang.
Isang aral para sa ating lahat
Na ang babae ay dapat marunong maging
Masunurin at magalang.
Ngunit kung si Adan ang humablot
Ng prutas na kanyang inakyat at inabot;
Kung siya ang unang kumagat, unang nagtanong,
Diyos na mismo ang sasalo bago pa siya mahulog.
Tatawa ang Ama at hahawakan ang pisngi ng lalake,
“Napakatalino, marunong mag-desisyon,
Marunong sumubok at humamon.
Kay talinong lalake, mana sa Amang lumikha,
Tutal, ika’y aking ginawa sa aking imahe at mukha!”
Kaya’t ipagpaumanhin, dala ko na rin naman
Ang parusa; Bakit pa sasayangin?
Hindi, wala nang natira para sayo.
Ika’y magdusa, at ika’y magutom.
Kung iyong nais, patayin mo ako,
Kung yan ang magbabalik ng kapangyarihan mo.
Basta’t ako’y kakain at mabubusog.
Kita ko ang pagod, mahal.
Tara at mahiga.
Hayaan mong pahiran kita
Ng langis, pangpakalma.
Sabihin mo sakin
Kung gaano kabigat ang mundo.
Huwag mag-alinlangan
Babantayan ko ang pinto.
Matulog at ibaba ang iyong bitbit,
Nang mapagaling kahit konti ang baon mong sakit.
Maniniwala ako sa iyong kapangyarihan
Nang hindi hinihinging patunayan.
Ika’y tumatakbo nang hindi umaalis,
Nagtatago nang nakikitang hindi lumilihis.
Napapaligiran ng mga lobong naghihintay
Naghahanap ng kahinaang maaaring i-salakay.
Nais kang pahinain para kanilang wasakin
Lakas mo’y kanilang inaabangang nakawin.
Ngunit hindi nila alam na ang lakas ay matatagpuan
Sa tuhod na nanginginig, pusong sugatan.
Mas makapangyarihan ang siyang marunong
Magpahinga, tumigil, umatras, umurong.
Kita kong gumagalaw iyong mga mata
Kahit nakapikit at nananaginip.
Rinig ang pagod at alinlangan sa buntong-hininga,
Kita ko lahat sa iyong pagpilipit.
Isang halik bago ang aking taksil
Huling yakap, luhang pinipigil.
Ika’y magpahinga, malaya sa ‘yong pasan,
Isang gupit, dalawa, gupit na dahan-dahan.
Sa iyong pagmulat, mata’y lumalangoy sa galit.
Ako’y itulak, sampalin, paratangan na wala sa bait.
Ikaw ay lumabas at harapin ang mga lobo,
Isang beses na lang, isiwalat kanilang maling motibo.
Pabagsakin mo ang langit sa huling pagkakataon
Ipakita ang galit na kay tagal mong binaon.
Sa iyong pagkamatay, sana maintindihan
Na ginupit ko ang taling kumulong at sumakal.
Sana’y ako’y alalahanin hindi bilang tulisan,
Kundi babaeng nag-alaga, nagpatulog, nagmahal.
Sa kanila, ikaw ay pastol, tagapagligtas, guro.
Kinain iyong katawan, ininom ang dugo.
Hinawakan, hinalikan, hinampas, sinaktan.
Pinilit tanggalan ng dignidad at kapangyarihan.
Hakbang mo’y binilang at pinanood,
Anino ay binantayan at sinunod.
Boses mo’y naubos sa taingang di nakikinig,
Pangalan mo’y pinapaikot palibot ng daigdig.
Ngunit sa akin, ikaw ang batang bitbit ang aking mata.
Na may pisnging mataba, ngiting nakakahawa.
Saan ko nakita ang pag-ibig, kundi sa iyong mukha?
Batang pilyo, may sugat ang tuhod ngunit tuloy ang pagtawa.
Nahulog ang dahon at kumapit sa iyong buhok,
Nung tayo’y naglalaro sa taas ng bundok.
Nahulog ka sa aking mga braso na tila sugatan,
At alam kong ako’y dudugo sa oras na ika’y papakawalan.
Paano mabubuhay ang isang ina
Na alam kung paano mamamatay ang anak niya?
Paano pipigilan na huwag humagulgol
Kung alam kong maauna kang iburol?
Hinalikan mo ang aking noo bago umalis
At hindi ka na lumingon sa iyong inang naghihinagpis.
Ngunit alam ng ina na kanyang pinakamalaking tagumpay
Ay ang anak na mapagmahal at matiwasay.
Ikaw man ay hindi na lamang akin na maituturing,
Dahil kinailangan kitang ibahagi sa buong mundo.
Mananatili ang iyong ala-ala na nagliliwanag sa dilim.
Aking anak na ang tawa ay ang kanta sa aking puso.
Bakit mo pa ako pinili
Kung alam mong ika’y tatalikuran?
Bakit mo ako tinawag
Kung alam mong ika’y tatakbuhan?
Wala ka bang awa sa sarili,
Walang pakundangan sa sariling dignidad?
Wala ka bang awa sa akin,
Na baka hindi ito ang aking hinahangad?
Sino ba naman ang gusto
Na maging kalaban, taksil, at tukso?
Sino ang hangad na maging
Kontrabida ng bawat bersyon ng kwento?
Kung tunay na alam mo ang lahat,
Edi iyong pagka-makasarili ang sisihin dapat.
Alam mong pagdurusa lamang ang aking kahihinatnan,
Ngunit pinili mo pa rin akong isama sa kahabag-habag na daan.
Tatlumpung pirasong pilak ang nahulog sa sahig,
Ngunit mas malaki ang binayaran sa huling sandali.
Sa aking huling hininga
Pangalan mo ang huling winika.
Ngunit, O Diyos ko, kaibigan ba talaga kita?